Advertisers
MUKHANG ginagamit ng isang opisyal ng Bureau of Customs (BOC) na nakatalaga sa Region 10 sa Mindanao ang pangalan ng isang kilalang government official.
Sa tuwing may nakakausap raw kasi si BOC official ay bukambibig ang isang high-ranking official na kanyang kakilala.
Nagpapakilala raw ito na isang henchman ng mataas na opisyal ng gobyerno.
Laging ipinangangalandakan daw na siya ang may hawak ng buong Mindanao.
Ipinagmamalaki pa raw niya na siya ang tanging dapat kinakausap ng mga importers at brokers tungkol sa kanilang mga kargamento o shipments.
Ang masaklap, pangalan naman ng isang mataas na government official ang isinasangkalan daw ng BOC official na ito.
Pagmamalaki raw niya sa buong Aduana, aba’y ‘untouchable’ daw siya.
Hindi raw siya natatakot kahit sino pa ang kanyang makakabangga.
Naghahamon pa raw ito na kasuhan siya?
Ito’y dahil hindi rin daw siya takot sa kahit anong reklamo o asunto hangga’t kadikit niya ang mga nakapuwesto sa kasalukuyang administrasyon.
Sinasabing ito raw ang kanyang mga padrino.
Madalas din niyang ikinukuwento na siya rin ang namimili ng ipupuwesto ngayon na mga kawani ng Aduana.
Kaya naman, ipinagmamayabang niya raw na nakapuwesto sa mga magagandang posisyon lahat ng mga kakampi o kakilala niya.
Tsk, tsk, tsk.
Nabatid na laging namamataan ang mayabang na opisyal na ito sa mga mamahaling restaurants at bars.
Nakakasama niya rin daw sa mga gimik at inuman ang mga hinihinalang smugglers ng Mindanao na naidawit na raw sa mga nakaraang pagdinig sa Kongreso.
Isinasangkot siya sa mga nakakalusot na sangkaterbang ukay-ukay at agricultural products sa hawak niyang pwerto roon sa Kamindanawan.
Tuloy, ang kawawa ay ang mataas na opisyal na laging isinasangkalan ang pangalan sa mga kabulastugan daw ng BOC official na ito sa Region 10.
Naku, ang malaking tanong din ngayon ay kung alam ba ng Palasyo at ng liderato ng BOC ang ginagawang kababalaghan at kabalbalan daw ng customs official na ito sa rehiyon?
Maaari lang daw kasing matigil ang mga mali niyang pinagagawa kapag naalis siya sa puwesto.
Pastilan, huwag na kayong maghanap ng clue.
Subalit maugong naman daw sa apat na sulok ng Aduana ang kasabihan na “basta makintab daw ang ulo ay masamang tao.”
Abangan ang susunod na kabanata!
***
Katuwang ang ilang sponsors, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa IZTV Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Salamat po at stay safe!