Advertisers
HINDI lamang para sa Royal Family ang pagkakasaksi ni Pangulong Bong Bong Marcos sa koronasyon ni Prince Charles bilang hari, kung di para tingnan din ng mahusay na pamamahala ng United Kingdom sa kanilang mga paliparan.
Idinaan pa nga ni PBBM sa Twitter ang kanyang mensahe sa atin, na sa kanyang nasaksihan na pamamahala ng Gatwick Airport sa London ay maaari din raw na mangyari sa ating mga paliparan.
Kasi naman, itinour ang ating lider ng mga opisyal ng Global Infrastructure Partners na siyang mangangasiwa sa pagpapatakbo ng pinaka-abalang airport sa UK. Kaya di lang namangha ang Pangulo, nais pa nitong gayahin ang pagpapatakbo ng airport na yun.
Nais ni PBBM na maihalintulad ang ating Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Gatwick Airport. Nang di naman laging kapalpakan ang naiuulat tungkol sa ating mga paliparan.
Ang airport kasi ang kauna-unahang mapapansin ng sino mang banyagang bisita sa ating bansa. Tila ito ang nagsisilbing pintuan, kung ihahalintulad natin ang airport sa ating mga tahanan.
Kung ano ang makikita sa ating airport, yun na din ang magiging imaheng papasok sa kaisipan ng mga bisita natin. Kaya kung puro kapalpakan, gaya ng mga nakaraang pangyayari sa NAIA noong May 1 at January 1 ang kanilang makikita, ganun na rin ang iisipin ng mga dayuhan – walang kwenta ang Pinas.
Sa pangarap na ito ni PBBM na gayahin ang pagpapatakbo ng Gatwick Airport at gawin din ito sa NAIA, pihado along maglelevel-up na rin ang tingin ng mga dayuhan sa atin.
Pero para sa akin, bago ipag-utos ni PBBM na gawin ng DoTr na parang Gatwick Airport ang NAIA, hukayin muna ng ahensiya kung sino ang mga dapat managot sa mga kapalpakang nangyayari sa ating paliparan.
Sa ganitong paraan lamang maiibsan ang panggagalaiti ng mga naapektuhang mga biyahero sa mga nagsabing petsa ng mga masasamang pangyayaring naganap sa operasyon ng NAIA.
Saka ko na isi-share sa inyo ang aking mga naisip na ideya para lalo pang gumanda ang takbo ng ating mga paliparan.