Advertisers
Mag-iisang taon ang nakalipas, ramdam ang kaba ng mga nag-ambisyon na nakasungkit ng pwesto sa pambansang halalan. Hindi man pinalad ang nakararami, ngunit ang kabang nadama noo’y tila napalitan ng pananabik na makabalik sa serbisyo sa pamahalaan ‘di bilang halal ng bayan sa halip ang maitalaga ng kakamping pangulo. Marami ang umaasa sa mga tumakbo sa halalan higit ang mga kasama ng pangulo sa pag-iikot sa iba’t – ibang panig ng bansa upang magpakilala at mahalal. Sa pagkakataong ito, marami ang umaasa na sa takdang panaho’y makabalik sa pwesto sa pamahalaan upang kahit paano’y makabawi sa mga gastos sa nakaraang halalan. Higit sa mga nagpaluwal ng pondo na ginamit sa mga pag-iikot, nagbigay ng mga gamit at iba pang gastusin na nag-ambag sa pagwawagi ng dalang kandidato. Syempre, at sa ngayon na maaaring maitalaga saan man sa pamahalaan, tulad ng unang nabangit ang mga ito’y nananabik makabalik.
Ang pananabik na makabalik sa serbisyo sa gobyerno’y ‘di ganap na magserbisyo ngunit ang matawag na kagalang galang na kalakip ng ngalang taglay. Hindi matatawaran ang kakayanan subalit mailap ang pwesto na tinatanaw ng bayan na kagalang-galang kung sila ang nagluklok. Ang ‘di nakuha o hirap makuhang pwesto’y tunay na pinaghihirapan na ang basbas ng mamamayan ang kailangan sa pwestong inaasam. Sa pagtapos ng “election ban” sa mga lumahok sa nakaraang halalan, umaasang maisasagawa ang mga balakin sa kagalingan ng bayan sa pamamagitan ng pagkakatalaga sa pwesto sa pamahalaan. At ito ang panahon na hinihintay, ang sukli sa katapatan bilang kasama sa politika o bilang kaibigan na kahit nasa ibang partido’y ‘di bumitiw sa pagkakaibigan. May pagkakaiba man sa tindig, ngunit iisa ang adhikain, ang serbisyo sa bayan.
Halos isang taon ang kasalukuyang administrasyon, tila may kailangan ayusin ng bumilis ang takbo ng serbisyo na kasing tulin ng pagong ang takbo. Hindi nakikita ni Mang Juan ang serbisyong dapat na makarating sa kanila. Malumanay ang takbo ng serbisyo sa bayan higit ang magbibigay ng ginhawa sa karaniwang tao. Hindi nalulutas ang pagtaas ng presyo na siyang pangako na napako. Marahil sa pagtapos ng “election ban” makakasama sa pagtimon sa pamahalaan ang mga ‘di pinalad sa halalan at aabot sa Quinta ang silinyador ng makarating sa tao sa laylayan ang serbisyong pinangako. At sa pag-upo sa pwesto sa pamahalaan, babalikan ang mga binitiwang pangako na gagawin na nagpapagaan sa pasanin ni Mang Juan.
Sa totoo lang, may ilang sa kasalukuyang gabinete sa pamahalaan ang may kabagalan sa pag-aksyon sa mga lumalabas na isyu. Marahil ito ang nagtutulak sa sasakyan ni Boy Pektus na magpalit ng tsuper ng bumilis ang takbo ng serbisyo sa bayan. Hindi maganda ang dating sa administrasyon ang ilang isyu higit sa naganap sa minahan sa Romblon gayung magaan naka lagpas sa Commission on Appointment ang kalihim ng DENR. Baka nais magpalit ng tsuper sa Kagawaran ng Likas Yaman ng maiayos ang maraming usapin na may kinalaman sa kagawaran. Ang matinding init ng panaho’y ang unti-unting sumusunog sa kaayusan sa kagawarang. Baka mas magaling na ‘di lang sa adbokasiya ang italaga sa kagawarang, maraming mapipiling aksyon agad sa halip na puro salita.
Pangalawa, nariyan ang isang kalihim na alang kibo ng matapos ang panahon ng SIM CARD registration. Nakalimutan o sadyang ‘di alam ang petsa ng pagtatapos ng rehistrasyon ng SIM Card at hinayaan ang Kalihim ng Katarungan ang magsaad ng pagpapalawig sa rehistrasyon nito. Hindi matanggap na sa ibang Kagawaran narinig ang utos ng pagpapalawig ng rehistrasyon gayung nasa ilalim ng kagawaran nito ang mga bagay bagay hinggil sa Information Communication Technology. O’ sadyang mahina ang liderato at kailangan anguluhan ng legal ang usapin ng pagpapalawig. O’ sadyang mapapel ang ilang kalihim na nagbabangong puri o nagpapabango kay Mang Juan dahil sa nakaraan ng anak. Ano man ang dahilan, nagpapakita ito na dapat magtalaga ng bagong kalihim sa DICT na dala ang mandato ng kagawaran.
Pangatlo, nariyan na dapat ng magtalaga ng full time na Kalihim ang Kagawaran ng Kalusugan higit sa kasalukuyang sitwasyon na muling nabubuhay ang C19. Sapat na ang italaga ang kasalukuyang OIC bilang ganap na kalihim dahil sa nagagampanan nito ng maayos ang pwestong tangan. O’ wala sa radar ni Boy Pektus ang kasalukuyang OIC, ang pagtatalaga ng bagong kalihim ng magampanan ng full time ang pwesto ng di matali sa MC 1 na limitado ang pagpapasya sa kagawaran. Panahon nang maglagay ng kalihim na kayang dalhin ang kagawaran sa susunod na panahon lalo’t may malaking banta sa kalusugan ng mamamayan.
Pang-apat, panahon na Boy Pektus na mag full time sa pagkapangulo at maglagay ng Kalihim sa Kagawaran ng Sakahan na titimon sa kagawaran. O’ walang napipisil si Galema ng Malacanan sa kung sino ang tatao higit sa SRA na paboritong opisina ng malambing at sweet na asawa ni Boy Pektus. Batid ni Mang Juan na mahalaga ang opisinang ito sa ilalim ng kagawaran na siyang nagdadagdag ng katamisan sa kaban ng mayayaman. Sapat na ang isang taong pamumuno sa kagawaran ni BP at oras na upang magtalaga ng bagong kalihim na may kakayanan sa usapin ng pagsasaka.
Sa pagtatapos ng “Election Ban” marahil sa apat na kagawaran na binangit may napipisil si Boy Pektus sa mga dating kasama sa halalan ang may kakayahan na pamunuan ang kagawaran. Nasa tamang oras na mag change gear at pabilisin ang takbo ng serbisyo kay Mang Juan. Sa totoo lang, marami ang naglalaway o nananabik sa mga kasamang ‘di pinalad sa nakaraan na magserbisyo sa bayan. Ang mabilis na pagtatalaga ng mga tamang kasama sa pamahalaan ang dapat unahin ng bumilis ang serbisyo. Huwag mag-atubili sa pagpili at pagtatalaga ng taong may kakayanan na pamunuan ang tamang kagawaran. Tulad ng nais na itinalaga, si Mang Jua’y nananabik sa tama at karapat dapat na maging kalihim ng ‘di maantala ang serbisyo para sa Bayan.
Maraming Salamat po!!!