Advertisers
NATAGPUAN na ang mag-asawang pinaghahanap na nawala noong nakaraang Biyernes na nakabaon sa hukay sa Aleosan, North Cotabato.
Kinilala ang mag-asawa na sina Berting, 54 anyos; at Aisa Tapadan, 58, taga-Purok 7, New Panay sa Aleosan.
Natagpuan ang bangkay ng mag- asawa nitong Martes na ibinaon sa isang bakanteng lote sa Barangay Upper Minggading, Aleosan.
Samantalang ang motor na sinakyan ng mag- asawa ay unang nakita sa isang barangay sa Pikit.
Kusang loob namang sumuko sa Local Government Unit (LGU) ng Aleosan ang salarin na si Amirodin “Boy” Tapadan, nasa hustong gulang, vendor, at pamangkin ng lalaking biktima.
Nabatid na may utang si Amirodin sa mag-asawa at wala itong maibayad kaya nito ginawa ang krimen.
Mayo 5 ng hapon nang magpaalam ang mga biktima sa kanilang anak na mayroong kukuning pera sa isang kakilala, subali’t hindi na nakabalik ang mga ito sa kanilang bahay.
Kinabukasan, Mayo 6, ini-report ng mga kaanak sa pulisya ang pagkawala ng mag-asawa.
Nanawagan din ang mga kaanak sa social media.
Martes ng umaga, Mayo 9, isang concerned citizen ang lumapit sa pulisya upang ituro ang isang lugar sa tabing ilog sa Barangay Upper Minggading na tila mayroong ibinaon at pagkatapos tinabunan ng basura.
Agad tinungo ng pulisya ang lugar at doon napansin na malambot pa ang lupa kaya agad itong hinukay at tumambad ang bangkay ng mag-asawa na nakasilid sa sako.
Sa presinto ikinuwento ni Amirodin ang buong pangyayari kung paano niya pinatay ang mag-asawa kasama ang isang lalaki na hindi na nito pinangalanan.
Sinabi ni Amirodin na sinisingil siya ng mag-asawa sa kanyang utang subali’t wala siyang pambayad kaya naisip niyang patayin ang mga ito. Pinapunta niya ang mga biktima sa kanilang bahay at kasama ang isang lalaking kakutsaba at pinatay nila ang mag-asawa sa pamamagitan ng pagpalo sa ulo. Isinako nila ang bangkay at dinala sa tabing ilog at ibinaon upang maitago sana ang krimen.
Ayon kay Amirodin, nakukunsensya siya sa nagawa sa kanyang tiyuhin at asawa nito kaya naisipan niyang sumuko upang harapin ang nagawang krimen.