Mayor Honey: Face mask sa City Hall, gagawing mandatory
Advertisers
SERYOSONG kinukunsidera ngayon ni Mayor Honey Lacuna na gawing mandatory ang pagsusuot ng face masks sa loob ng Manila City Hall.
Ang desisyon, ayon sa alkalde ay nag-ugat sa tuloy-tuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID sa lungsod sa loob ng nakalipas na dalawang linggo.
Nabatid pa kay Lacuna, na sa loob ng nabanggit na panahon, ang positivity rate ay umabot sa 24. 43 percent na halos pareho lang sa buong National Capital Region.
Sa nakalipas na dalawang linggo din, ang local government ay nagsagawa ng libreng RT-PCR tests sa 131 indibidwal at sa bilang na ito ay 32 ang nagpositibo.
“Ibig lamang sabihin na hanggang ngayon ay nandiyan pa rin si COVID kaya mag-ingat tayo at sundin pa din natin ang health protocols,” sabi ng alkalde.
Dahil sa pangyayaring ito, sinabi ni Lacuna na ibabalik niya ang mask mandate sa mga empleyado ng City Hall bilang pangunang hakbang kontra sa tumataas na bilang ng kaso ng COVID.
“Bakit ko gagawin ito? Sa Manila City Hall, araw-araw, mula Lunes hanggang Biyernes mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ay napakadami pong naglalabas-masok o nag-aasikaso ng transaksyon kaya ito po ay ating gagawin bilang proteksyon nila at bilang proteksyon na rin ng mga empleyado na di na tumaas pa ang kaso,” paliwanag ni Lacuna.
Sa katunayan, ayon sa alkalde, may ilang tanggapan na sa City Hall ang nagpapatupad ng mask mandate at nauna pa sa kanyang direktiba.
Inutos din ni Lacuna ang distribusyon ng libreng face masks sa entrance gates ng City Hall para sa mga papasok dito at magta-transact sa kahit na anong tanggapan sa loob.
“Ipagpaumanhin nyo po dahil gusto lang namin kayong proteksyunan gayundin ang aming mga empleyado,” sabi ni Lacuna.
Hanggang tanghali nang May 11, ang bilang ng aktibong kaso ng COVID sa lungsod ay nasa 201 at 31 dito ay bagong kaso.
Sinabi ni Lacuna na kasama lamang sa bilang na ito ang mga sumailalim sa RT-PCR testing at ‘di kasama ang mga nagpositibo sa antigen.
Ang mga nag-positive sa antigen tests ay kailangan lang na mag-self-isolate at self-medicate at ‘di kasali sa official records, ayon pa sa alkalde.
Ito, ayon kay Lacuna na ay nagpapatunay lang na tumaas nga ang bilang ng kaso ng COVID kaya kinakailangan ang ibayong pag-iingat. (ANDI GARCIA)