Advertisers
MARIIN itinanggi ng National Security Council noong Sabado na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC ay napipintog na lusawin ng Administrasyong Marcos.
Sabi ng ating kaibigang si NSA Assistant Director General Jonathan Malaya, malayong mangyari na lusawin ni Pangulong Bong Bong Marcos ang task force.
Ito raw ay dahil mismong si PBBM ay naniniwala at nakatutok sa “whole-of-nation approach” o buong ahensiya ng pamahalaan ay sama-samang tatapusin ang panggugulo ng mga komunistang-terorista na CPP-NPA-NDF.
Ang Executive Order No. 70 na lumikha sa NTF-ELCAC ang mismong nag-aatas na ‘whole-of-nation approach’ ang tamang gawin para pangalagaan ang kapayapaan at katahimikan sa mga kanayunan na pinepeste ng mga CPP-NPA-NDF.
Paanong bubuwagin ni PBBM ang task force? Eh inatasan nga nito ang NTF-ELCAC na ipagpatuloy ang ginagawa nitong nakapag-pabawas na sa bilang ng mga CPP-NPA-NDF.
Ang napagtagumpayang laban ng task force ay dapat lamang daw ipagpatuloy, dahil 75 porsiyento na ng komunistang-terorista ay nalansag na nito.
Sa ulat nga ng Philippine Army Ang dating bilang na 89 guerrilla fronts ay 22 na lang, matapos mabuwag ng pinagsamang tropa ng ating pamahalaan na nakadakip din ng matataas na opisyal ng CPP-NPA-NDF sa mga nagdaang mga taon na pamamalagi ng NTF-ELCAC.
Sa 22 natitirang pwersa ng mga komunistang-teroristang mga ito, bente ay napahina na at dalawang na lamang ang patuloy pang tinutugis ng ating sandatahan.
Sabi nga ni Assist.Dir. Malaya, ang utos nga ni PBBM sa NTF-ELCAC ay malinaw na malinaw – ituloy ng task force ang whole-of-nation approach para makamit ang kapayapaan at kaunlaran ng ating mga kababayan sa mga kanayunan.
Ito ay para na rin di makabalik sa mga lugar na nalinis na ng ating mga militar ang mga CPP-NPA-NDF.
At mula ng maitatag ang task force noong 2018 sa bisa ng EO 70, nakapagtala na ang NTF-ELCAC ng 24,000 na mga CPP-NPA-NDFP mga cadre ang nagbalik-loob na sa pamahalaan.
Bakit nga naman bubuwagin pa ang NTF-ELCAC?