Advertisers

Advertisers

ANONG NANGYARI SA SENADO

0 280

Advertisers

Malayo ang husay ng senado mula sa pagkakatatag kumpara sa kasalukuyan. Maraming kakaining bigas ang mga bumubuo ng mataas na kapulungan ng kongreso higit sa pagdadala ng mga usaping bayan na tinalakay sa plenaryo. Hindi matutularan ang husay nina Salonga, Maceda, Celing Fernan maging sina Ed Angara o Drilon at iba pa. Maaalala kung paano ginagawa ng mga senador ang assignment na kailangan upang sa pagharap sa sesyon na naroroon ang mga mahuhusay na senador hindi magiging katawa – tawa ang tayo. Ang pag-interpolate sa mga may-akda sa panukalang batas na inihahain ang nagbibigay daan ng pagpapalalim sa batas na pinag-uusapan. Tanong na kung ‘di napag-arala’y tiyak na babalandra sa mukha na nagtutulak na itago at pag-aralan bago ihain. Dahil bihasa ang maraming mambabatas sa pakikipagtalastasan, may laman at tama ang tugon sa binabatong mga tanong. Mayroon ba nito sa kasalukuyan?

Tunay na may mga nobato sa anumang larangan, higit sa mga palakasan ngunit iba ang mga pumapasok sa silid ng senado. Ang pumapasok dito’y mga batikang mananalastas ‘di lang sa silid na pinaglilingkuran maging sa hapag ng mga hukuman. Hindi pwedeng isantabi ang bawat salitang babangitin ng sinumang kasapi ng silid sa kadahilanang mga hinog ito sa karanasan. Masasabing pitas sa puno na ang bawat sinasabi, na ninanamnam dahil kapupulutan ng aral. Sa totoo lang, madalas na laman ng mga balita lalo’t nabibigyan pansin ng mga media kung paano ilalaban ang isang panukala. Walang bato na ‘di umuurong sa talastasan na nakasisiguro na ang panukalang batas na papasay’ dumaan sa butas ng karayom. At ang butas na pinapasukan ang pagtitiyak na may gamit ang batas sa lipunan.

Sa mga pag-uusisa sa mga usapin, hirap ang mga taong naimbitahan sa lalim ng mga tanong na halos binabalatan ang inuusisa upang mailabas ang katotohanan sa naganap na usaping bayan. Hinihimay ang bawat angulo sa isyu at ang mga naimbitahan na mga tao’y naipapaliwanag ng buo, tama at may katotohanan. Hindi hinahayaan ang paikot-ikot na tugon ng mga sangkot sa usapin higit kasama sa mga anomalya na ibig malaman ng bayan. Walang sini-sino lahat ng dapat magpaliwanag ay kailangan magpaliwanag. Sa pagkuha ng katotohanan bumubuo ang kapulungan ng batas na bumabalangkas upang maiwasan na muling mangyari ang usapin. At kung muling mangyari, naroon ang mga kaukulang parusa sa masasangkot. Di ba napakaganda ng desinyo ng pagkakatatag ng mga kapulungan. Meron ba nito sa kasalukuyan.

Ang mga halal ng bayan higit sa senado’y tinatawag na mga kagalang-galang na kasing halaga ng sa pangulo at pangalawang pangulo. Ang mga gawa nito’y tunay na pinagsisikapan na may pakinabang ang bayan.Walang senador na patakbuhin higit sa mga panukalang batas na hinahain sa kapulungan. Karamihan sa mga senador na halal ng baya’y madalas na iniimbitahan bilang mga pangunahing tagapagsalita sa mga mahahalagang okasyon sa iba’t – ibang lugar sa bansa. Madalas na nakikiusap ang mga opisyal ng mga Pamantasan o kolehiyo upang mamalas ang mga programa ng isang senador para sa bayan. At isang pribilehiyo na malaman ng mga mag-aaral ang kilatis o galing ng opisyal na kanilang inihalal. Meron ba nito ngayon?

Hindi tagahanga ang Batingaw ng senado ngunit nakaugalian na panoorin ang mga nagaganap na mga pagdinig kahit sa youtube upang ‘di mahuli sa mga pangyayari sa silid nito. Hindi tama na pagkumparahin ang dating mga senador sa mga kasalukuyang nakaupo. Malayo ang distansya ng galing ng mga dating senador na kakikitaan ng pagiging kagalang-galang kumpara sa mga kasalukuyan. Sa pagpapatakbo ng mga pagdinig hindi makitaan ng husay ang mga senador na napanood sa pagdinig. Hindi makita ang husay sa pagpapalabas ng mga sagot sa mga panauhin na magamit sa pag-aakda ng batas. At kung may natisod na sagot sa isang tanong, kulang o ‘di na masundan ng tamang tanong na magpapalalim sa impormasyon ibig. Sa pagdinig pa rin, napansin na unang na-iirita ang mga senador sa halip na mag-isip ng mga paraan na mapalabas ang impormasyon o katotohanan. Sadya bang B’O’B’O ang nahalal na senador sa kasalukuyan at kayang paikutin ng mga inuusisa higit sa pagtatago ng katotohanan.

Sa mga pagdinig na ginagawa sa kasalukuyan lalo ang pagkakahuli ng halos isang toneladang bawal na gamot, hayun walang makuhang magandang impormasyon ang mga senador na kinaiinisan ang mga sagot ng mga panauhin. Sa kawalan ng kakayahang magpalabas ng katotohanan sa binabatong tanong, masasabing magaling ang isang Sarhento ng pulis na ‘di mapapiga na magsabi ng mga mahahalagang bagay hinggil sa usapin. Silip na walang magawa ang mga senador sa rason ng pulis gayung batid na may itinatago ito. Sa uri ng pagtatanong nahuhuli ang salarin at ito ang kulang o wala sa mga kasalukuyang senador na bumubuo ng senado. At sa totoo lang, tila wala ang mga senador na dapat kasama sa pag-uusisa, dahil sa kaalaman ng mga ito sa batas bilang mga abogado. Ang kawalan ng malasakit sa bayan at pagpapabaya sa gawain ang siyang matatanaw. Para saan pang naghalal kayo?

Sa isang banda sa plenaryo nagpanggap na magaling ang senador na nagmungkahi na niratipikahan ang isang panlabas na kasunduan kahit ito’y isang usapang laway ng lider ng mga bansa. Nakakataas kilay dahil batid na isa itong mahusay na abogado ngunit tila sablay ang panukala ng matanong ng kapwa senador sa basehan nito. Dahil walang dokumento maipakita, sige na lang sa susunod na naman.

Ang kaganapan sa mataas na kapulungan ng kongreso’y patunay na nagkamali ang bayan sa paghahalal ng kakatawan sa kanila higit sa uri ng panukalang batas na hinahain. Sa mga talastasan at palitan ng kaalaman, hindi maalis na magtanong si Mang Juan kung anong nangyari sa senado. Ang mga mahuhusay na mga senador noong una’y napalitan ng mga walang binatbat at puro papogi ang alam na ‘di naman kailangan sa silid na kinabibilangan. Sa pagkakamali ng taong bayan sa nakaraang halalan, resulta’y anim na taong kabiguan maging sa uri ng batas na kailangan. Bayan at mamamayan itigil ang paghanga’t pumili ng tama.

Maraming Salamat po!!!