Advertisers
Tunay na isang palisipan kung bakit kung bakit hindi parin mapapatigil ang perwisyong sugal sa Oriental Mindoro sa kabila ng banta na “One-Strike” Policy ni PNP Chief, General Benjamin Acorda Jr., na sibak agad ang police officials na protektor at sangkot sa iligal na sugal.
Tila FAKE NEWS ang “One Strike” Policy dahil patuloy parin ang pamamayagpag ng iligal na sugal na kung tawagin sugal lupa sa nasabing probinsya.
Nakalulungkot lang isipin na matapos kung isiwalat ang mga mini casino na sugalan tulad ng “color games at drop ball” na imbes aksyunan ay dinedma lamang ng Police Regional Office MIMAROPA at Police Provincial Office (PPO), Samantalang panay ang “shout out” nila sa social media sa inilunsad nilang “SUMBONG NYO, AKSYON AGAD”, Pero ni kateteng na aksyon ay wala tayong napala kay PRO4B Regional Director PBGen Joel Doria na isang patunay na binabalewala nila ang “One-Strike, Policy” ni Acorda?
Kabago –bago mo pa naman sa posisiyon bilang PNP Regional Director, na imbes mag-pakitang gilas ka eh wala kang anumang aksyon. Marahil kung kaming nasa hanay ng media ang tatanungin ay dapat siguro sa ibang lugar ka ma-destino at hindi sa MIMAROPA region.
Base kasi sa reklamo, pinagtatawanan lamang ng ilang police officials mo ang ibinabang “One-Strike” Policy ni Acorda na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno at kapulisan na tumanggap ng pabor (payola) mula sa mga gambling operator/lord.
Ayon pa sa sumbong, walang sira ulong nilalang ang maniniwalang walang ”pakisama” na nakukuha dito ang ilang tiwaling PNP opisyal sa nabanggit na lalawigan.
Kasi nga “untouchable” parin ang tila mini casino na mesa-mesang sugalan na “color games, beto-bito, baklay at drop ball” na matatagpuan sa may Barangay Adrialuna, Gamao, Carumagit, Panagsabangan, Nag-Iba 1, Mabini at Puting Tubig sa bayan ng Naujan na minamantini ng mga kilalang gambling operator na si alyas Rene, Pato at Dayo.
Hindi rin kaylanman napatigil ni Oriental Mindoro Provincial Director PCol Samuel Delorino ang mga pwesto pijong sugalan na color games at drop ball nina alyas Vivien Acosta, Dory, Jesfer, Rocky, Ben, Anton, Marlon at Ryan sa bawat barangay sa mga bayan ng Victoria, Pinamalayan, Puerto Galera, Bulalacao, Bongabong, Roxas, Socorro, Pola, Mansalay, Baco, San Teodoro, Calapan City at iba pang bayan dahil sa “intelligence vice fund” na kino-kolekta umano ng isang alyas Nonoy Hernandez para sa R2 at S2.
Kaya malaking hamon ngayon sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) kung paano ibabangon ang kanilang imahe dahil bukod sa isyu ng malawakang pagpupuslit ng ilegal na droga na ginagawa mismo ng ilang PNP officials ay nagsusulputan na rin ang illegal gambling hindi lamang sa Oriental Mindoro kundi sa buong bansa.
Wag bibitiw, Tutukan natin!
***
Suhestyon at Reaksyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com. – Ugaliin ring makinig sa programang “BALYADOR” mula lunes hanggang biyernes 11:00am-12:00noon sa RADYO NG MASA entertainment net radio. tuwing miyerkules 9:00am-10:00am sa 96.9 FM Radyo Natin Calapan City, Oriental Mindoro at tuwing Sabado 9:00am-10:00am sa DWBL 1242 kHz AM Mega Manila. Mapapanood live sa Facebook at Youtube chanel.