Advertisers

Advertisers

HUWAG BATIKUSIN PARA ULITIN

0 153

Advertisers

TODO ang paghahanda ng maraming sangay o ahensiya ng gobyerno para siguruhing ligtas ang ating mga kababayan laban sa banta ng tinaguriang Super Typhoon BETTY na pumasok sa Pinas.

Lalo pang nagdumilat ang mga mata ng maraming opisyal ng gobyerno nang matunghayan nila [siguro] ang nangyari sa Guam kung saan unang nanalasa ang nasabing bagyo na ubod ng bagsik ang hangin at ulan.

Pumasok ang bagyong ito sa ating tinatawag na Area of Responsibility (AOR) noong nakalipas na araw ng Biyernes na inasahan naman na hahagupit ito sa mga susunod na mga araw lalo na nitong Lunes.



Subalit ang inasahan ng gobyerno na bagsik ay talsik lamang pala. Malayo sa kategorya na inabot ng Guam pero sinasabing may nahila itong malakas na ulan sa oras na makaraan na ito ng Pinas.

Ramdam ang malalakas na sipol ng hangin lalo na sa hilaga o yung mga lalawigan na kabilang sa una at ikalawang rehiyon ng bansa subalit masasabi natin na hindi ito ang inasahan ng gobyerno.

Katunayan, may mga suspensyon pa ng pasok sa mga paaralan at ilang mga tanggapan ng gobyerno noong unang araw na pumasok ang bagyong BETTY pero sa kabutihang palad ay sumikat naman ang haring araw.

Sa pagkakataon na ito ay natitiyak ng EKSPERTO na may mga kababayan na naman tayo na kasado na ang kanilang batikos sa gobyerno lalo roon sa mga lugar na samu’t-saring aksiyon ang ginawa bilang paghahanda pero umaraw.

Minsan may isang alkalde na binatikos nang kanselahin nito ang pasok sa eskwela pero umaraw. Nang sumunod ay hindi na nito ginawa dahil sa batikos na inabot nito kaya hayun… inulan at binaha ang mga estudyante.



Kanya-kanyang puna sa gobyerno una na riyan ang tinatawag sa Ingles na ‘over acting’ pero mas mabuti na iyon upang hindi tayo mabigla sakaling manalasa nang husto ang anumang bagyo na papasok sa AOR ng Pinas.

Umaraw man kahit may bagyo ay huwag nang batikusin ang gobyerno upang sa mga susunod na mga ganitong pagkakataon ay muli nitong ipatupad ang gayung uri ng paghahanda para sa kaligtasan ng ating mga kababayan.

***

Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com