Memos sa barangay, tiyaking alam ng mga nasasakupan – Mayora Honey
Advertisers
UMAPELA si MAYOR Honey Lacuna sa lahat awtoridad sa barangay sa Maynila na tiyaking alam ng lahat ng kanilang nasasakupan ang memos na ipinadadala ng City Hall sa kanilang barangay.
Ang panawagan ay ginawa ni Lacuna sa katatapos na “Kalinga sa Maynila” forum sa first district ng Tondo, matapos na may isang nagtanong kung ano na ang mangyayari sa allowance ng senior citizens’ sakaling namatay ito sa panahon ng distribusyon at kabilang pa siya sa bigayan ng allowance noong panahong siya ay buhay.
Ang city government ay naglalabas ng monthly monetary aid sa senior citizens kada apat na buwan, para sa kabuuang P2,000 bawat isa, sa halagang P500 kada buwan.
Sa nasabing forum, ipinaliwanag ni office of senior citizens’ affairs (OSCA) head Elinor Jacinto na kailangan ang physical presence ng senior citizen na tatanggap ng allowance para sa lagda at bilang katibayan na natanggap niya ang allowance mula sa pamahalaang lungsod.
Gayunman, may bagong ordinansa na ipinasa sa Manila City Council kung saan kapag ang kamatayan ng senior citizens ay nataon sa pagbibigay ng allowance, ito ay awtomatikong iku-convert sa burial assistance.
Sinabi pa ni Jacinto na ang gagawin lang ng pamilya ng namatay ay mag-file ng burial assistance application sa OSCA sa loob ng 30 araw simula sa araw na namatay ang senior citizen, lakipan ng kaukulang dokumento na kailangan sa preparasyon ng voucher.
Sinabi pa ni Jacinto na ang nasabing impormasyon ay naipakalat na sa mga barangay sa pamamagitan ng barangay bureau.
Tiniyak ni Lacuna na ang pareho ding halaga ang matatanggap ng pamilya ng namatay na senior citizen.
“Paging. barangay officials. Kapag kami ay nagbaba ng memo sa inyo, marapat lamang na ipagbigay- alam ninyo sa inyo pong mga nasasakupan. Lahat ng resolution at ordinansa, lalo na me kaugnayan sa barangay, ay sinisiguro naming ibinababa sa bgy,” sabi ni Lacuna, matapos na banggitin ng isang residente na hindi ipinaalam ng kanilang barangay ang tungkol sa burial assistance.
Samantala, ipinaliwanag ni Lacuna na sakaling wala ang senior citizen sa panahon ng distribution period, hindi nangangahulugan na forfeited na ang allowance nila.
“Para malinaw po, para hindi kayo malito. Baka mamaya, kung ano ang dumating sa inyo na di na makukuha allowance. Kaya po nagtatagal sa barangay sa pagbibigay ng allowance, ito ay upang masigurong maibibigay lahat. Natataon minsan wala sa lugar sa loob ng limang araw eh kailangan naming i-validate, dahil pondo ito ng pamahalaan,” paliwanag ni Lacuna.
Idinagdag pa nito na: “Kailangang i-submit ng barangay official ang pangalan nyo at dahilan bakit wala kayo nung bigayan, nang sa gayon, magawan kayo ulit ng panibagong payroll.” (ANDI GARCIA)