Advertisers

Advertisers

PAGTAAS NG GUMAGAMIT NG FAKE DOCUMENTS PARA MAG-ABROAD, NAKABABAHALA

0 176

Advertisers

Nakakabahala ang sunod-sunod at tila walang tigil at tumataas pang bilang ng mga indibidwal na gumagamit ng mga pekeng dokumento sa kanilang paglalakbay sa ibang bansa.

Maging ang Bureau of Immigration (BI) mismo ay nagpahayag ng pagka-alarma dahil na rin sa dami ng mga kasong nahuli nila na kinasasangkutan ng paggamit ng mga pekeng dokumento nitong mga nakaraang araw lamang.

Nitong nakalipas na lingo lamang, naka-engkwentro ng mga ganitong kaso ang BI sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).



Nailahad ni BI spokesperson Dana Sandoval na noong May 21 lamang, isang babaeng pasaherong papunta ng Bangkok, Thailand, ang nasabat ng BI sa NAIA Terminal 3.

Sa umpisa ay sinabi ng ‘recruitment victim’ na isa siyang turista, pero nang magsagawa ng masusing pagsusuri ng pasaporte nito ay lumitaw ang isang ‘valid Malta Visa’ na may nakalagay na “CANCELL” sa loob. Dahil mali ang spelling na dapat, ‘CANCELLED,’ mapapaisip ka nga naman kung lehitimo ba ang kanyang travel documents.

Nung kapanayamin naman, sinabi nito na inutusan siyang magpanggap bilang turista at patungo nga daw siya ng Malta dahil ni-recruit siya doon sa tulong ng isang kaanak.

Sabi pa ni Sandoval, kinabukasan ay dalawang babae naman ang na-interview sa NAIA Terminal 1 habang nagtatangkang lumakbay patungo ng Dubai.

Nagprisinta din ang mga ito ng pekeng Kingdom of Saudi Arabia re-entry visas, sa kabila ng ang intensyon nila ay maghanap ng trabaho sa Dubai.



Umamin ang isa sa dalawang biktima na nakilala niya ang recruiter niya sa Facebook at ito din ang nagbigay sa kanya ng mga pinekeng dokumento. Ibinigay daw sa kanya ang mga nasabing papeles sa labas lamang ng naturang airport bago siya nakatakdang umalis.

Kinabukasan ulit, noong May 23 naman, sinabi ni Sandoval na nasabat din nila ang dalawang babaeng pasahero na patungo ng Poland, sa NAIA Terminal 1.

Pekeng overseas employment certificates (OECs) naman ang iprinisinta ng mga ito na nakuha daw nila sa pamamagitan ng Facebook at binayaran daw nila online ang kausap ng halagang P500 para sa kanilang pekeng papeles.

Ewan ko ba naman sa ating mga kababayan. Nariyan ang mga lehitimong ahensiya o tanggapan kung saan sila maaring kumuha ng mga kinakailangan nilang papeles, kesa pumatol sa mga gumagawa ng peke.

Sayang ang pera, pagod at oras sa oras na matimbog ng BI na siguradong mangyayari dahil dumaraan ng sapat na training ang mga BI personnel para malaman kung peke o hindi ang papeles ng isang pasahero.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.