Advertisers
Ni BLESSIE K. CIRERA
NANINIWALA ang tinaguriang Asia’s Crystal Voice na si Sheryn Regis sa milagro. Ito ay matapos siyang maka-survived sa sakit na thyroid cancer noong 2016.
Sa idinaos na presscon kamakailan ni Sheryn para sa kanyang concert na pinamagatang All Out sa Music Museum sa July 8, tsinika ng magaling na singer na inakala anya niya na hindi na ulit siya makakakanta.
“Pag minsan pala na muntik ka nang mamatay, you treasure the moment. Doon mo ma-feel na you have to treasure everything: Who’s in front of you? Who’s beside you? That’s why I’m flaunting everything at na-express ko lahat ng nasa damdamin ko. I’m happy that I have a happy heart,” kuwento ni Sheryn.
Tsinika rin ni Sheryn na gusto umano niyang makilala bilang lipstick lesbian na nagpapakita sa mga lesbianang gaya niya na nagme-make-up, nagsusuot ng mga dress at skirt, at iba pang nakasanayan ng kababaihan.
Inakala rin ni Sheryn na hindi na siya muling makakaawit matapos ang kanyang operasyon.
“Actually, parang tumaas pa siya. So, nag-record ako ng Gusto Ko Nang Bumitaw, akala ko hindi ko na kaya pero mas tumaas pa pala. Nag-iba yung placement ng boses ko.”
Sinabi pa ng mahusay na singer na marami rin daw siyang ire-reveal sa kanyang concert na hindi pa niya naihahayag. ‘Ika niya ay mga untold stories of her journey.
Ang konsiyerto ni Sheryn ay bunsod ng kanyang 20th Anniversary sa showbiz. Makakasama niya sa All Out sina Ima Castro, Miss Tres, Dianne dela Fuente, MMJ Magno at JMartin ng Retrospect.
May shows din umano si Sheryn sa Amerika at Canada.
Samantala, masaya naman ang Asia’s Crystal Voice sa may dalawang taon na niyang relasyon sa isa sa mga producer ng All Out concert na si Mel de Guia.
Bagama’t aminado si Sheryn na masaya sila ni Mel, wala raw naman silang balak pakasal at magkaanak pa.
“Tinanggap ko si Sheryn bilang ordinaryong tao. Hindi dahil sikat siya. Siguro kung nakilala ko siya 20 years ago noong kasikatan niya, siguro hindi ko nakita ang sarili ko sa ganung sitwasyon,” pahayag ni Mel. “Thankful din ako dahil pinagkatiwalaan niya ako. Kung may love, dapat andyan yung trust and respect,” anya pa.
Nagpasalamat naman si Sheryn sa pagmamahal at suporta sa kanya ni Mel. “Grabe ang support ni Mel sa akin dahil tinanggap niya ako kahit may anak ako.”