Advertisers
KAPAG namayagpag ang isang sindikato sa Pilipinas, asahan nang mayroong mataas na opisyal sa likod nito!
Oo! Ang pamamayagpag ng mga sindikato sa iligal na sugal ay bunga ng proteksyon ng mga awtoridad partikular PNP.
Ang pagkalat ng iligal na droga ay bunga rin ng proteksiyon ng pulisya at tiwaling opisyal ng pamahalaan. Tulad ng nasamsam na P6.7 billion shabu sa MPD Lending Company sa Tondo, Manila na pag-aari ng sinipa sa serbisyo na si Master Sergeant Rodolfo Mayo, Jr. Ang nasa likod niya pala ay matataas na opisyal ng PNP na naka-assign din sa anti-illegal drugs unit. Baka nga may mga malalaking politiko pa sa kanyang likod. Mismo!
Remember drug lords Peter Lim ng Visayas?; grupo ng Chinese na sina Charlie Tan, Richard Tan alyas Richard Chen, Ding Yi Shen alyas Kenneth Dong na mga nasa likod ng P6.4 billion shabu na nasamsam sa isang warehouse sa Valenzuela City noong 2018? Ang mga taong ito ay may mga larawan pang kasama ang dating presidente ng bansa at mga anak ng huli na naghahapi-hapi. May nangyari ba sa kasong ito? Wala! You know!!!
Nitong Huwebes ng hapon, Hunyo 22, 2023, isa namang “bigtime gun runner” na Filipino-Indian, kinilalang si Amith Chandiramani, ang dinakip sa raid ng mga operatiba ng CIDG-Southern Sector sa kanyang tahanan sa Barangay Salawag, Dasmarinas City, Cavite.
Nakuhanan si Chandiramani ng maraming matataas na kalibre ng mga baril. Tapos isang mataas na opisyal ng pamahalaan from Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang nagtangka raw arborin ang Indian. Pero hindi pumayag ang CIDG. Very Good!
Pero dapat kasamang kinasuhan ng CIDG ang nasabing opisyal. Mismo!
Ito namang umano’y “drug lord” na si “Jade” Dera na nakakulong sa National Bureau of Investigation (NBI). Nabunyag na madalas lumalabas ng kanyang kulungan para lang mag-goodtime kasama ang ilang NBI Jail officers. Kaya siya nakalalabas dahil sa bendisyon ng opisyal ng NBI jail.
Mantakin mo, kriminal na nakakulong, sa NBI pa, mayroong baril at gadgets sa loob ng selda. Wow!!!
May nag-tip sa akin na lahat ng “bigtime” lalo drug lords na nakakulong sa NBI ay “gatasan” ng mga jail security. Kaya kahit nakakulong ang mga kriminal na ito ay tuloy ang kanilang transaksyon sa labas. Safe pa sila, kasi bale sa NBI jail na sila nag-oopisina, na ‘pag gusto mag-goodtime sa labas ay may badigard pa. Hanep!
Yan ang dahilan kaya namamayagpag ang mga sindikato, dahil narin sa mga opisyal ng mga awtoridad ang nasa likod nila. Birahin mo, Justice Secretary “Boying” Remulla, Sir!