Advertisers
Si Jordan Clarkson ng Jazz ay may dugong Pinoy sa mother side niya kaya may dual citizenship ang 31 anos na guard.
Ang ina niya kasing si Anette Tullao Davis ay taga-Bacolor, Pampanga ang mga ninuno at bakas naman ang pagka-Pinoy niya.
Ang Amerikano na, Pilipino pa ay nasa Estados Unidos at personal na inaasikaso kanyang status sa NBA. Pinikap niya ang player option sa Utah at ngayon ay nakikipagnegosasyon para sa extension contract.
Ire namang si Justin Brownlee ng Barangay Ginebra San Miguel ay purong Kano na ginawa nating lokal sa pamamagitan ng isang batas. Ang resident import ng GinKings ay kabilang ngayon sa Gilas na nagsasanay sa Europa.
Pero base sa FIBA rules ay pareho silang nasa kategorya ng naturalized citizen kaya isa lang sa dalawa ang maaaring mapabilang sa pambansang koponan sa Worid Cup sa Agosto.
Certified scorer si JC habang all-around player naman si Brownlee.
Inilagay si Justin sa Gilas pool na parang insurance kung sakaling hindi umubra ang 6’5 na numero 00 sa susunod na buwan.
May balitang milyones kada game ang allowance ng dating sixth man ng NBA nang maglarong huli para sa bansa.
Maigi na may nakahandang kahalili siya kung biglang magkaproblema sa kanya ang SBP.
Pasalamat na rin tayo na may gusto rin magrepresenta sa ating mga taga-Estados Unidos.
Sakto na sila ang paksa ng pitak na ito ngayong Philippine-American Friendship Day.
***
Nanghihinayang si Ka Berong sa pag-alis ni Dennis Schroder sa Lakers. Masipag at may puso raw kasi maglaro ang German. Kahit may injury ay matindi pa rin kaya naging paborito ni Coach Darvin Ham.
Marahil di hamak na mas mababa ang alok sa kanya ni GM Rob Pelinka kaysa sa Raptors kaya napunta siya sa Toronto.
At saka napapayag ni Pelinka ng bawas sahod si D’Angelo Russell kaya pinakawalan na si Dennis. Tapos dumating pa si Gabe Vincent mula sa Miami.
***
72 national sports associations and counting na ang kinikilala ng Philippine Sports Commission. Bale tig-18 o halos bente na NSA’s ang pinaghatian upang mamonitor ng maayos ng apat na commisioner ng PSC na sina Fritz Gaston, Bong Coo, Walter Torres ar Edward Hayco. Mahigpit daw ang bilin ni PSC Chairman Dickie Bachmann na alagaan ang mga ito ng mabuti ayon kay Gaston na naging panauhin natin sa OKS noong isang linggo. Kabilang sa pinangangasiwaan ni Fritz ang basketball at boxing, dalawa sa pinakapopular na sport sa atin.