Advertisers
MAYROON nang 10 “persons of interest” kaugnay ng nangyaring sexual assault sa isang estudyante sa loob ng campus ng University of the Philippines-Diliman.
“Ang iba ay sa loob ng UP, ang iba ay sa labas… May mga taong dapat ay nandoon sa loob ng UP na wala na ngayon… Baka nagtatago na,” sabi ni Quezon City Police District (QCPD) chief Brigadier General Nicolas Torre III.
“Baka nagbebenta ng kung ano ‘yung loko na ‘yun doon, o baka nakatambay dahil may event doon. So sinundan. Noong makita ang madilim na lugar at alam niya most probably, familiar siya sa butas na ‘yun, hinulog ‘yung babae doon,” dagdag niya.
Kita sa CCTV footage ang pagtawid ng estudyante ng UP-Diliman sa C.P. Garcia Avenue papasok ng E. Jacinto gate ng campus Sabado ng gabi.
Mag-isang naglalakad ang estudyante, base sa kuha ng isa pang CCTV camera sa E. Jacinto Street.
Ilan lang ito sa hawak ng QCPD na mga CCTV footage sa rutang dinaanan ng estudyante papuntang Ylanan Street, kungsaan siya sinunggaban ng isang lalaking may hawak na patalim, at tinangkang halayin.
“Ine-enhance namin, ginagamitan ng technology para makita ang mukha ng tao na nakakasabay sa kalsada ng biktima,” sabi ni Torre.
Sa tingin ni Torre, sinundan ng lalaki ang estudyante hanggang makarating sa madilim, masukal, at tagong bahagi ng campus.
Panawagan naman ng University Student Council, taasan ang budget ng UP para makapagdagdag ng security personnel ang unibersidad.
Para sa chancellor ng UP Diliman na si Edgardo Carlo Vistan II, mahalagang pag-usapan muli ang posibilidad ng paglalagay ng CCTV sa mga itinuturing na hotspot sa campus.
“There has been previous opposition on widening the scope of CCTVs, placing them on streets… The anti-Big Brother mentality of certain sectors. But I think we will be forgiven if we put CCTVs there,” sabi ni Vistan.
Pero hindi aniya ikinokonsidera ngayon ang pagpapatupad ng curfew sa UP Diliman.