‘Iligtas ang sarili at mahal sa buhay sa oras ng sunog’ – Mayora Honey
Advertisers
KAPAG may sunog, tiyaking iligtas ang sarili at mahal sa buhay.
Ito ang mensahe ni Manila Mayor Honey Lacuna matapos na pangunahan ang distribusyon ng financial assistance sa may 131 pamilya na nasunugan ng bahay kamakailan.
Ang mga padre/ madre de familia ng mga nasunugang pamilya ay tinipon sa Manila City Hall sa pamamagitan ng social welfare department head na si Re fugoso, para sa nasabing distribusyon ng mga biktima ng sunog upang makapagsimulang muli.
“Ang akin lang pong paalala, maging aral po sana ito sa ating lahat. Wala naman pong gusto na masunugan. Lagi po tayong mag-iingat at sa mga ganito pong sitwasyon, lagi po n’yong uunahin ang inyong mga sarili at pamilya. Ang mga gamit po, mapapalitan at mapapalitan ‘yan, pero ang buhay po,” sabi ng alkalde.
Sinabi ni Lacuna na bagaman at hindi gaanong kalakihan ang ayuda ng pamahalaang lungsod na ipinamimigay sa mga biktima ng sunog, umaasa ang alkalde na makakatulong ito upang makapagsimula silang muli ng kanilang buhay.
“Ang importante po diyan, kapag may ganitong sakuna, ay nakakabangonpo tayong muli. At ang inyo naman pong pamahalaan ay hindi titigil na kahit paano ay makatulong naman po kami sa inyo maliit man po maibigay namin sa inyong tulong, sigurado naman po na kahit paano ay makapagsisimula kayong muli diyan po ay maaasahan nyo ang inyong pamahalaan, ang pamahalaang-lungsod ng Maynil,” dagdag pa nito.
Ayon kay Fugoso may kabuuang 131 pamilya na ang bahay ay tinupok ng apoy sa magkakahiwalay na lugar sa Maynila kamakailan ay tumanggap ng P10,000 bawat isang pamilya mula sa city government. (ANDI GARCIA)