Advertisers
Mukhang matatagalan bago makabagon ang Department of Tourism (DOT) mula sa kontrobersyang kinasasadlakan nito, matapos mabuyangyang sa publiko ang palpak na video ng ‘Love the Philippines” na inilunsad nito kelan lang.
Gaya ni Senador Nancy Binay at nakapakarami pang opisyal ng bansa, naniniwala ang inyong lingkod na dapat lang naman na may managot kaugnay sa kontrobersyang nilikha ng DOT campaign video matapos madiskubre na “stock videos” pala ang ginamit doon.
Napakalungkot na ang nasabing video pa naman ang itinuturing na ‘initial salvo’ ng bagong tourism campaign ng DOT sa ilalim ng pamumuno ni Sec.. Cristina Frasco.
“This is not the first time that DOT and its agencies drew flak from netizens because of some creative lapses,” wika ni Binay, chairman ng Senate tourism committee sa isang pahayag ,kasabay ng pagsasabing: “Dapat, may accountability dahil pera ng taumbayan ang ginagastos ng DOT para bayaran ang mga ad agencies.
“Di nga ba we are supposed to show authenticity? Ang ganitong mga promotional anomaly directly affects the travelers’ decisions, and at the same time portrays a negative image of how we promote our destinations,” ayon pa kay Binay.
Aniya, hindi dapat nagpapabaya ang DOT sa ganitong multi-milyong pisong kampanya. Sa ngayon, may bahid na ng pagdududa kung anuman ang susunod na TV ad o promotional material ng DOT. At tila masamang pangitain ito dahil mukhang di pa rin po tayo natututo sa mga nakaraang nangyari dala ng hindi original logo, slogan, design o video clip,” punto pa ng Senadora.
Bago pala ako tumuloy, lilinawin ko lamang na hindi ko personal na kakilala si Sen. Binay.
“The paramount task is to ensure that there will be no pause in promoting our destinations despite the snag. Baka pwede pa naman ibalik si ‘Fun’ dahil sa problema ni ‘Love’ ngayon,” hirit pa niya.
Ako man, sa totoo lamang, ay naniniwala na wala pang tumatalo sa video campaign ad na nilikha ni dating Senator Dick Gordon, ang “Wow, Philippines.”
Inihayag ni Senador Sonny Angara na dapat ay ulitin na buo ang “Love the Philippines” promotional video. Tama rin siya dito, dahil nga may bahid na ng kapalpakan ang naunang video. Bakit pa ito itutuloy???
Dapat lang na baguhin ang video dahil ginastusan ito ng gobyerno ng tumataginting na P49 milyon.
“They should at the very least redo the campaign video. Parang nalugi ang gobyerno. Dapat may konting pride tayo sa ating trabaho especially if we are selling and marketing the Philippines,” punto ni Angara.
Una nang inamin at humingi ng paumanhin ang DDB Philippines, ang ad agency na gumawa at nagpalabas ng naturang promotional video, sa paggamit ng “stock footages” mula saThailand, Indonesia, at United Arab Emirates.
Bagamat sinasabi ng ahensya na walang kinalaman ang kagawaran sa naturang kontrobersyal na video, hindi maitatanggi na may pananagutan ang pamunuan ng DOT sa bagay na ito, lalupa’t naging tampulan na ng kantiyawan at pagkapahiya ang Pilipinas.
“Dahil nga sa nangyari, headline na tayo sa buong mundo. Naging laughing stock na ang slogan, at masyado nang tinamaan ang campaign. Nakakalungkot dahil sa unang tapak pa lamang, imbes na umarangkada ay umatras tayo,’ sabi nga ni Sen. Binay.
“We don’t want the slogan to become a national embarrassment and look like losers. Again, huwag nang ipilit. Hindi masama ang magkamali. LOVE was not meant to be. Let us all move on and just bring back the FUN to the Philippines,” dagdag pa ng Senadora.
Ang katanungan ngayon ay kung may mapapanagot kaya sa nasabing kaguluhan na naglagay sa bansa sa kahiya-hiyang sitwasyon??? Abangan.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.