Advertisers
NARARAPAT ipasilip ni Philippine National Police (PNP) Chief Benjamin Acorda Jr. ang modus ng mga opisyales at miyembro ng “Perya Industry of the Philippine Association (PIPA) na entertainment group ang pagpapakilala sa kanilang business operation pero ang katotohanan ay prente ito ng illegal gambling at hinihinala pang sangkot sa kalakalan ng droga?
Katulad din ng front ng PIPA, may grupo ang nagbabalatkayong asosasyon naman ng negosyanteng mamumuhunan na namimili at nagbebenta (buy and sell) ng produktong petrolyo at mantika ngunit nagmumula sa nakaw na produkto ng krudo, gasoline, gaas at binuriking edible oil ang kinakalakal ng mga ito sa bayan ng Guinyangan at mga karatig na bayan ng lalawigan ng Quezon.
Nagkalat ang kunyari ay tradisyunal na perya na pulos pasugal ang nakalatag sa kanilang pwesto na kilala sa tawag na pergalan (pinaigsing perya at sugalan) ng naturang asosayon sa ibat ibang lugar sa Region 4-A (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) area, lalo’t higit na sa probinsya ng Quezon.
Parang kabute sa dami ng pergalan ang hayagang nag-ooperate sa nakararaming lungsod at bayan sa Quezon pero ang nakapagtataka’y dedma lang sa mga hepe ng kapulisan sa lalawigan ni Gov. Angelina “Helen” Tan.
Hindi kumikilos ang mga police chief kung saan halos pinag-ugatan na sa tagal na nagpapatakbo doon ang mga sugalan, ilan pa sa mga operator at mga tauhan ng mga ito ay nagbebenta ng marijuana at shabu?
Dahil sa gambling tulad ng color game, beto-beto, sakla, cara y cruz, kalaskas, drop ball maging ang sugal na didal ang itinatampok sa mga pergalan, kayat walang kapana-panalo, parang hinoholdap ang mga mananaya sa mga pergalang ito na nalululong kabilang na ang mga kabataan at mga negosyanteng karamihan ay mga dayo pa mula sa ibat ibang lugar sa Quezon at mga kalapit na probinsya.
Ang siste nito, ginagamit ng PIPA ang pangalan ni Vice President Sara Carpio Duterte na ipinagmamalaking natulungan nila noong nakaraang halalan sa pamamagitan ng ibinigay na election fund na ginamit kuno sa kampanya ng dating mayora sa Davao para maipanalo nito ang kanyang kandidatura sa Region 4-A? Iilang personalidad lang ang bumubuo ng PIPA, mapaniwala kaya ng mga damuhong ito sina Vice Pres. Sara at Gov. Tan?
Dahil kaladkad ang pangalan ng Bise Presidente, kaya marahil natatakot ang mga hepe ng kapulisan ni Quezon Provincial Director Col. Ledon Monte at maging ng mga local government unit (LGU) sa Quezon na kantihin ang perya -con sugalan o perya -con droga ng nasabing kunyari ay Samahan?
Ang mga di matinag na pergalan o kung ituring mismo ng maraming pulis sa Quezon ay untouchable na pergalan, ilan dito ay hayag pang tingian ng shabu ay ang pergalan sa Candelaria ng isang Francia; Dolores ni Alex; Polillo at Real ni Lex; General Nakar ni Bobuy; Infanta ni Otso; Unisan, General Nakar, General Luna at Mulanay pawang inooperate ng isang Josie at Sariaya ng isang Lyn.
Isang alyas Mely Gurang naman na nagpapakilalang opisyal ng PIPA ang nagmamantine ng maraming pwesto ng pergalan con drug sa ibat ibang barangay at bayan sa lalawigan ng Quezon.
May mga ibinabandera pang litrato ang ilang opisyal kuno ng PIPA na kasama si Vice President Duterte noong campaign period at maging ilang provincial government ng Quezon na ipinananakot naman sa ilang hepe ng kapulisan at maging sa ilan ding mga operatiba at opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Provincial Office na ayaw tumanggap ng mababa lamang na lingguhang “tara”.
Ang paihian at pasingawan o buriki operation naman ng grupo na kung tagurian ng mga taga-Quezon ay mga “negosyanteng pulpol” ng Guinyangan na ang kinikilalang lider ay isang alyas Sammy ay lantaran ang pag-ooperate sa Brgy. San Luis ng naturang bayan, ngunit nganga lang ang local government unit (LGU) ng naturang bayan maging ang Acting Police Chief doon na si Major Lindley S. Tibuc?
Tulad din ng garapalang operasyon ng paihian nina Enrico alyas Rico at Ed sa Barangay Bulihan sa bayan naman ni Malvar, Batangas Municipal Mayor Cristeta Reyes, ang burikian sa Guinyangan ng operator na binubuo ng 10-kataong grupo nina alyas Sammy ay naghahandog din ng libreng almusal hanggang hapunan sa ilang miyembro ng kapulisan ng Guinyangan, bukod pa ang miryenda at ipinamimigay na sako-sakong bigas. May lingguhan ding “parating” sina alyas Sammy na tig- Php 20,000 sa isang lokal na PNP official at isang opisyal ng munisipyo.
Isa namang Amigo ang nag-ooperate din ng paihian sa Brgy. Malabanban Sur sa bayan ng Candelaria.
Sa kabila ng hayag-hayagang operasyon ng iligal na pasugal ng PIPA na hinahaluan pa nga ng pagbebenta ng shabu ay wala namang naaaresto at nakakasuhan ang kapulisan nina Candelaria Police Chief LtCol. Bryan D. Merin, Dolores Police Chief Maj. Jollymar Soleterio at Real Police Chief Maj. Jurnie Junne Merka?
Ang may “very poor performance” din na hepe ng kapulisan laban sa pergalan at iba pang elementong kriminal ay sina Infanta Police Chief Maj. Fernando Credo; Unisan Police Chief Capt. Reuben Jabrica, Mulanay Police Chief Maj. Carlos Comia, Sariaya Police Chief Maj. Romar Pacis at ang mga hepe ng pulisya ng Gen. Luna na si Capt. Primitivo P. Ramirez; Gen. Nakar at Polillo. Napaka-pangit din ng imahe ng pulisya ng Guinyangan sa ilalim ni Maj. Tibuc dahil sa di pag-aksyon ng mga ito laban sa paihi o buriki operation nina alyas Sammy at ng mga kampon nito?
Kung hindi kayang sawatain ng mga naturang hepe ng kapulisan ang operasyon ng PIPA at ang grupo ng mga magnanakaw na pinamumunuan nina alyas Sammy, anong nararapat gawin sa kanila, RD 4-A PNP Director PBGen. Carllito Gaces, Sir?
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144