Advertisers
UULITIN ng inyong abang lingkod dear readers na ‘yang diplomatic protest natin laban sa “pananakop” ng China sa “Ating West Philippine Sea” ay balewala lang kay Chinese President Xi Jinping.
Masakit man sabihin, pero yan po ang totoo, pande-ewang sa tumbong ‘yan kumbaga pag tayo’y nauupo sa trono ng kubeta.
Tulad nang paglelente ng military-grade laser ng Chinese militia sa mga barko natin na naglalayag sa Spratlys o sa iba pang bahura natin, mauulit at mauulit ‘yan.
Kahit ilang ulit pa tayo magsampa sa United Nations General Assembly ng ating protesta laban sa “island grabbing” ng China, wala rin ‘yan.
Sasabihin lang ng China, e kanila rin, pag-aari rin nila ang ating sinasabing “atin.”
Katunayan nga, inookupahan na nila ang maraming isla sa Kalayaan Island Group (KIG) at ilang lugar pang sumasakop sa exclusive economic zone (EEZ) na sabi ng Permanent Court of Arbitration (PCA) ay “atin” daw.
E, ayon sa pag-aaral ng mga experto sa international law, ‘yang ating EEZ ay kasama rin sa inaangkin ng Malaysia, Indonesia, Taiwan at Brunei na “kanila” rin.
Kahit pa patambakan ni President Ferdinad ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) ng maraming sundalong kano ang lahat ng ating military camps, hindi masisindak ang China.
Basta sa paniniwala ng China (at ng Taiwan, Vietnam at Brunei), kanila, sila ay may sovereign rights sa WPS o South China Sea (SCS), piryud.
Daang bilyong US dollars ang inubos ng China sa pagtatayo ng kanilang base militar sa mga islang inookupahan nila ngayon; at gayundin, may mga base militar at naval din ang Vietnam sa Kalayaan Island Group.
Basta lang ba ibibigay ng China, ng Vietnam ang mga bahura na tinayuan na nila ng kutang bato na may paliparan, at daungan ng barkong de giyera.
Never, hindi ibibigay, hindi isusuko o iiwanan ng China at ng Vietnam ang okupado nila sa WPS dahil lang natakot sila sa mga sundalong Kano at armas de giyera na itinatambak ng US sa ating mga kampo militar, sa pagsunod sa provision ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
***
Noong pang 1948, 1958 ay sinabi ng China, kanila ang WPS na ang tawag na nila ay South China Sea, at noong 1992, muling idineklara ng China na sakop nila ang nabanggit na teritoryo, e tayo, kailan natin inangkin na atin nga, may sovereignty tayo sa WPS?
Tanging si Apo Lakay Marcos Sr. ang naglakas-loob na sabihin sa mundo, atin ang WPS, ang Kalayaan Island Group (Spratlys) sa inilabas niyang Presidential Decree 1596 noong 1979.
Basta sa mata ng China, a piece of shit ang desisyon ng PCA, The hague: Kanila ang WPS na tinatawag nga nilang South China Sea.
Imbes na tumigil, maghinay-hinay ang China sa “island grabbing” nito sa WPS na inaangkin din ng Vietnam, Brunei, Indonesia at Taiwan, lalo itong naging agresibo.
Sige lang ang China at sige lang siya pagtatayo ng naval at military bases, at gayundin ang Vietnam at Taiwan, habang tayo ay ngawa lang nang ngawa — na ang resulta, tayo ang nganga!
Tamang palakasin natin ang kasunduang EDCA, at dahil ang US ay nagpupursige na palakasin ang depensa nila sa Pacific Ocean, bakit hindi tayo tulungang magtayo na rin ng mga islang bato na may paliparan at daungan ng barko at iba pang gamit militar at naval.
Tutulong din lang ang US, itodo na tulad ng ginawa nito sa Guam, Marianas Island, sa Virgin Islands at Samoa sa North Pacific.
***
Kung paano tinulungan ng US ang Japan na mortal nitong kaaway noong World War II, lalong tayo ang dapat buhusan niya ng todong tulong militar at naval.
Tutal, sabi ng US, tayo ang kanilang Brown Brothers sa Pacific.
Lalong mapalalakas ang Mutual Defense Treaty (MDT) kung tutulungan tayo at mabigyan ng pinakamodernong armas de giyera na mayroon sila.
Nagpasiklab na rin lang ang US kay PBBM, mas mabuting itodo na.
Tulad ng nasabi ng inyong abang lingkod, balewala lahat sa China ang ating diplomatic protest.
Hindi nila naririnig ang protesta natin, basa ang importante, sariling interes nila.
May pansariling interes ang US sa pagpapakita ng malasakit sa Pilipinas.
Iyon ay maipakita sa mundo na sila pa rin ang numero unong Pulis ng Mundo.
Hindi papayag ang US na mamayani ang China, at sa kanilang away, ang realidad, maiipit tayo.
Pero ano ang ating magagawa sa patuloy na panggigipit ng China?
Hindi naman nito pinapansin ang ating hinaing: sa isip nila, wala namang malakas na kakampi ang Pilipinas, kaya gagawin at gagawin ng China ang nais niya.
***
Tama ang ginagawa ni PBBM na makipag-ugnayan sa mga katabi nating bansa — sa Malaysia, Indonesia, at sa iba pa at makabuo ng isang nagkakaisang kasunduang militar at depensa laban sa bansang nais tayong sakupin.
Mas dapat nga, magkaroon din tayo ng EDCA sa mga katabing bansa.
Iyon sana ay gawin ni PBBM: EDCA sa Malaysia, Brunei at Indonesia.
Kailangan ito sa ating depensa laban sa agresibong China.
Kung masasakop ang Pilipinas, parang gasolinang nagliliyab sa dagat, masusunog din ang iba pang bansang malapit sa atin.
‘Yang EDCA ay depensa natin laban sa patuloy na pandadarag ng China.
Ngayon na ang panahon ng pagkibo, ng pagkilos, ng pagpapalakas ng depensa.
‘Yan ang EDCA, at sana, mangyaring may mabuo ring EDCA sa ating kapitbahay na bansa.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.