Advertisers
TALAGANG napakaraming butas ang mga batas sa Pilipinas. Kapag magaling ang abogado at malakas na politiko, malamang absuelto.
Oo! Ilang politiko na ba ang nakasuhan ng Plunder na napawalang-sala, at patuloy paring nahahalal dahil sikat at maraming perang pangkorap sa botante?
Banggitin natin sina dating Presidente Erap Estrada at Gloria Arroyo. Si Rody Duterte muntik lang din kung hindi lang iligal ang naging ebidensiya laban sa kanya noong imbestigahan ang kanyang bilyones sa mga bangko, kungsaan nasibak ang Sr. Deputy Ombudsman dahil sa paglabas ng bank history ni Duterte mula sa “anti-money laundering council” nang walang pahintulot.
Sina Senador Bong Revilla, Senador Jinggoy Estrada at dating Senador ngayo’y Presidential Chief Legal ni “Bongbong” Marcos na si Juan Ponce Enrile pawang nakulong sa Plunder pero nakabalik parin sa puwesto.
Ang kaso ni Revilla nadismis pero ipinababalik sa kanya ang mahigit P120 milyong nalustay mula sa kanyang pork barrel fund. Ang halagang ito ay hindi parin naman naibabalik hanggang ngayon pero hindi naman siya nakulong?
Sina Jinggoy at Enrile nakalalaya lang sila dahil sa piyansa.
Sa mga kongresista, napakarami sa mga ito ang may kaso ng paghukus-pukos sa kanilang pork barrel. Kapag nakasuhan, bago mahatulan ng korte tapos na ang mga termino. Tapos aapela pa sa Court of Appeals, maari pang tumakbo sa Korte Suprema kungsaan bibilang ng taon bago madesisyunan. Patay na ang magnanakaw, hindi parin naibababa ang desisyon.
Si dating First Lady Imelda Marcos, ina ni Pangulong Bongbong, convicted at may arrest warrant na sa ilang kaso ng Graft, pero hindi naman inaresto.
Si BBM mismo convicted sa tax evasion pero hindi nakulong at pinayan pang makatakbo at naging pangulo!
Samantalang ang mga pobre na nagnanakaw ng pambili ng pagkain, kulong agad! Napaka-unfair ng hustisya, ‘di ba?
Nevertheless, ang may kasalanan din kasi ng lahat ng ito ay ang maraming mahihirap nating kababayan. Alam na nilang tulisan yung politiko, inihahalal pa rin. Mismo!
Sana sa 2025 election ay matoto na ang masa. Dapat!!!
***
Malaking insulto kay Pangulong Bongbong Marcos ang ginawa ni ex-President Rody Duterte na pakikipagmiting kay Chinese President Xi Jinping.
Parang gustong palabasin dito ni Digong na malakas parin ang kanyang impluwensiya sa China, habang pinalalakas uli ni Bongbong ang alyansa sa Amerika na nagkalamat nung panahon ni Duterte.
Naging mabango sa China si Digong noong pabayaan niya ang pang-aabuso ng Chinese fishermen at militia sa mga isla na sakop ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa pag-upo ni Bongbong, pinayagan niya ang pagpirme ng US military sa Pilipinas partikular sa WPS.
Ang pagpunta ni Digong sa China ay halos kasabay lang ng paglabas ng desisyon ng ICC na ituloy ang imbestigasyon sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Tingin natin, magkakaroon ng bagong oposisyon sa 2025. Abangan!