Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SA latest vlog ng showbiz journalist na si Morly Alinio, naging panauhin niya ang beteranang aktres na si Divina Valencia.
Si Divina ay sumikat noong dekada ’60 kung saan naging leading lady siya nina Fernando Poe, Jr., Eddie Gutierrez, Tony Ferrer, Joseph Estrada, Dolphy at iba pa.
Dahil sa kanyang sexy image, naging bahagi rin siya ng tudyuhan sa pagbuburles kung saan naihanay siya sa ka-kontemporaryong si Stella Suarez.
Sa nasabing vlog, inilantad din niya ang kanyang matagal nang inaalagaang sikreto.
Sa kanya kasing mga pelikula, laging natatakpan ng mahabang buhok ang kanyang mukha, kaya marami ang nagtataka kung ano raw kaya ang lihim na itinatago nito.
Aniya, may balat daw kasi siya o birthmark sa mukha kaya hindi niya ito ini-expose.
Naitago raw niya ito dahil wala raw namang nang-uurirat sa kanya noon dahil hindi uso ang mga paparazzi noong kanyang kapanahunan.
Gayunpaman, pinaremedyuhan daw niya ito noong pumunta siya sa US kaya mapapansin daw na may black spot pa sa kanyang pisngi.
Sey pa niya, kahit daw naging sex symbol siya noong dekada 70 kung saan namayagpag ang ‘bomba films,” never daw naman siyang naghubad sa kanyang mga pelikula.
Pagbabahagi pa niya, aminado rin siyang hindi naging maganda ang pagsasama nila ng dating screen partner, action star at ex-husband na si Bernard Belleza na ama ng kanyang anak na si Dranreb.
Naging biktima raw kasi siya ng pambubugbog nito.
Bilang artista, ipinagtanggol naman niya si Lea Salonga tungkol sa mga bumabatikos dito at pakikipaglaban ng Broadway Diva sa kanyang private space.
Aniya, dapat daw na maunawaan ng fans na sila man ay mga tao rin na entitled sa kanilang privacy.
Dagdag pa niya, may tamang lugar din daw ang pakikihalubilo sa fans at hindi saklaw nito ang private moments ng isang tao.
Bukod sa pagiging bikini girl noong ‘70s, si Divina ay naging kontrobersyal din nang pukpukin niya ng mikropono ang namayapang talent manager noon na si Rey dela Cruz noong mag-guest sila sa defunct late night show na “Rumors, Facts and Humor” sa ABS-CBN noong late ‘80s.