Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
NOONG Sabado, July 29 ay ipinagdiwang ng revamped Eat Bulaga! ang kanilang 44th anniversary. Kasabay nito ang pag-launch ng bago nitong themesong.
Hindi napigilan ng isa sa host ng EB na si Paolo Contis na maging emotional sa kanyang pahayag sa pagdiriwang ng 44th anniversary ng nasabing noontime show.
Sabi ni Paolo, “Mahalaga po ang araw na ‘to sa Eat Bulaga! Forty-four years ago, sinimulan po ng Eat Bulaga! ang pagbibigay ng saya.
“Lumipas man po ang panahon sa kahit anong pagkakataon…
“Maiba man po ang mga artistang humaharap sa inyo araw-araw…
“Ang hindi po mababago ay ang hangarin ng Eat Bulaga! na magbigay ng saya! Naging emotional ako, ha?”
Natigil siya sandali dahil pinipigilan niyang maiyak.
“At magbahagi ng pag-asa. Tulong at saya, yan po ang aming bagong tugon sa panahong ito.”
Nagdagdag ng mensahe ang isa pa sa host ng EB na si Isko Moreno, “At bago tayo magpatuloy, binabati natin at sana’y gabayan kayo ng Panginoong Diyos sa mga kababayan natin diyan sa Northern region, nag-uulan at sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa, na hinahampas ng bagyo. Mag-iingat po kayo.
“On behalf of TAPE, Inc. and our co-hosts, nakikiisa po kami sa inyo. At in our own little way, ngayong anibersaryo ng Eat Bulaga!, ang selebrasyon na ‘to ay alay namin sa inyo, para mapangiti lang kayo kahit papaano.
“Mga Kapuso, nung nagsisimula kami bilang bagong hosts, ang ipinangako namin sa inyo ay kayo ang laging dahilan kung bakit kami naririto.
“Dahil sa inyo, mga mahal…. sabi nga namin, it’s not always about the hosts. It’s always about the viewers.
“Kayo sa studio, kayong mga manonood sa kani-kanilang tahanan na lagi ninyo kami isinasama sa inyong tanghalian, napakaraming salamat po sa inyong lahat.”
Bago matapos ang show, sinagot ni Paolo ang paratang at tawag sa kanila na sila ay Fake Bulaga.
“Mahabang panahon, kasama na natin ang Eat Bulaga!. Opo.
“Bago po kami, naintindihan po namin yun. Pero kami mismo, naging bahagi po kami ng Eat Bulaga!, dahil kahit nung bata pa ako, naging parte ako ng Eat Bulaga!. Nanonood ako ng Eat Bulaga!, lahat tayo,” sabi ni Paolo.
Hindi pa man natatapos magsalita si Paolo ay sumingit si Isko.
Sabi ng dating mayor ng Manila,”Naggi-guest tayo!”
Pagsang-ayon ni Paolo,”Totoo! Naggi-guest tayo sa Eat Bulaga!
“Ngayon, ang tanong, sino ba ang nagmamay-ari ng Eat Bulaga!? Ang tanong, sino ang may-ari? Ang sagot, lahat po tayo.
“Kasi sa 44 years, lahat po tayo ay naging bahagi nito.
“Hindi po maiiwasan na may mga nagsasabi na wala naman po kaming ambag, dahil bago lang naman po kami dito.
“Pero ang mahalaga ay lahat po ay ginagawa namin, para ipagpatuloy ang pagbibigay ng saya at tulong sa inyo.
“Hindi na po kami mahalaga. Maari pong dumating ang araw, hindi na rin kami ang nandito, pero basta ang mahalaga ay ipagpatuloy namin ang matagal nang hangarin ng Eat Bulaga!—ang magbigay ng tulong at saya.
“Yun lang naman po ang gusto namin. Hindi po yun mababago. Mahalaga rin po sa akin na sabihin na ang ginagawa po namin ay totoo.
“Marami pong nagsasabi na kami ay fake. Marami ang nagsasabing kami ay ‘Fake Bulaga!’
“Wala pong peke sa pagmamahal ko sa grupong ito. Wala pong peke sa pagmamahal ko sa staff.
“Walang peke sa pagmamahal ko sa crew. Walang peke sa pagmamahal ko sa trabahong ‘to.
“Kaya masakit po sa amin kapag tinatawag niyo kaming ‘Fake Bulaga,’ dahil wala pong fake sa ginagawa namin, sa ngiti na nakikita namin sa mga tao. Wala po.”
Muling nagbiro si Paolo ng, “Isa lang po fake sa ‘Eat Bulaga!,’ yan po ay ang ngipin ni Betong!”
Nag-react naman si Betong na napaiyak na raw sana siya. Pero nagpasalamat siya sa kanyang doktora.