MANILA CITY ADMINISTRATOR BERNIE ANG AT EX-VICE MAYOR DANNY LACUNA, KARAPAT-DAPAT SA PARANGAL NG KONSEHO
Advertisers
Personal na nasaksihan ng inyong lingkod ang isinagawang pagdiriwang ng Manila City Council (MCC) ng ika-122 taong anibersaryo nito noong Lunes, July 31, sa makasaysayang Ayuntamiento de Manila sa Intramuros, na naging tahanan ng Konseho ng Maynila noong panahon ng Kastila.
Sa nasabing okasyon ay ginawaran ng parangal at pagkilala ang mga kasalukuyang miyembro ng Manila City Council na nakapag-ambag sa konseho dahil sa kanilang kasipagan at dedikasyon sa trabaho. Gayundin, may mga dating konsehal na binigyan din ng awards para sa kanilang mga iniwang legacy, maraming taong paglilingkod sa konseho at pagbibigay-karangalan sa MCC sa pamamagitan ng pag-angat sa kanilang career, matapos ipakitang sila ay nahasa nang husto bilang mga konsehal noong kanilang kapanahunan. Ang mga awards ay iginawad mismo ni Vice Mayor at Council Presiding Officer Yul Servo-Nieto, kasama ang Council Secretary na si Atty. Luch Gempis.
Tumanggap ng pinakamatagal at maingay na palakpakan at hiyawan mula sa mga naroroon ang “Perlas ng Konseho” awardee na si Manila City Administrator Bernardito “Bernie” Ang. Siya ay pinarangalan bilang pinakamatagal na nagsilbi sa lungsod bilang Konsehal sa ikatlong Distrito ng Maynila.
Pitong terms nagsilbi si City Administrator Ang para sa kabuuan na tumataginting na 25 taon kaya hindi na mabilang ang dami ng natulungan nito bilang konsehal at maging nang hindi na siya konsehal.
Matapos kasi sa konseho, si City Ad Bernie ay nanungkulan naman bilang Secretary to the Vice Mayor bago naging Secretary to the Mayor sa administrasyon ni Mayor Isko Moreno at ngayon ay bilang City Administrator naman ni Mayor Honey Lacuna.
Sobra ang talino at galing ni City Ad Bernie dahil ultimo mga abogado ay sa kanya kumokonsulta ukol sa maraming bagay. Para sa mga hindi nakaaalam, si City Ad Bernie ang gumawa ng Local Tax Code of Manila at pangunahing may akda rin ng city ordinance na siyang lumikha sa City College of Manila na ngayon ay tinatawag na “Universidad de Manila” na pinamumunuan ng napakagaling at napakabait na Presidente nitong si Felma Carlos-Tria.
Espesyal na parangal din ang ipinagkaloob kay dating Vice Mayor Danilo Lacuna, ama ni Mayor Honey Lacuna at ng partidong Asenso Manileno. Ang “Dangal ng Konseho Award” na tinanggap ng mga anak ni dating VM Danny na sina Councilors Dr. Lei Lacuna at Philip at architect Dennis ay iginawad upang bigyang-pagkilala ang ilang dekadang paglilingkod ni VM Danny bilang miyembro at Presiding Officer ng MCC at para na din sa ipinakita niyang “compassionate leadership that steered the city council to greater heights, producing measures that redounded to the benefit of a great number of Manilenos and his exemplary performance worthy of emulation by future generation of public servants.”
Ating binabati ng ‘congratulations’ ang iba pang awardees na kinabibilangan nina: Majority Floorleader Atty. Ernesto “Jong” Isip, Jr. dahil sa pinakamaraming bilang ng draft ordinances at draft resolutions gayundin sa pag-aakda ng mga naaprubahang ordinansa at resolusyon ; Councilor Salvador Philip Lacuna sa pag-aakda ng pinakamaraming ordinansang naaprubahan ; Councilor Irma Alfonso-Juson sa paghahain ng pinakamaraming draft ordinances; Councilor Numero Lim, sa pinakamaraming naihaing draft resolutions at naaprubahang resolutions at may pinakamaraming iniakdang ordinansa; Councilor Pamela “Fa” Fugoso-Pascual sa pag-aakda ng pinakamaraming ordinansang naaprubahan at best record sa attendance at sina Councilors Martin Isidro, Jr. at Nino dela Cruz, para sa best record in attendance rin.
Sina Manila Congressmen Ernesto Dionisio, Jr., Rolando Valeriano, Joel R. Chua, Edward V.P. Maceda, Irwin Tieng at Bienvenido Abante, Jr. naman ay tumanggap ng “Distinguished Legislator of Manila” award para sa kanilang natatanging paglilingkod bilang mga Councilors bago pumalaot at magtagumpay sa pagiging miyembro ng House of Represenatives, kung saan patuloy silang nagpapakita ng mabuting paglilingkod sa bayan.
Si Justice Jhosep Lopez ay tumanggap ng “Timbulan ng Laya Award” para sa kanyang kahusayan sa larangan ng batas at hustisya noong siya ay Konsehal pa lamang na siya namang naging susi para siya ay umangat nang husto mula sa pagiging hepe ng piskalya sa Maynila hanggang sa maging miyembro ng Korte Suprema.
Congratulations din sa mga “Perlas ng Konseho” awardees na sina former Councilors Re Fugoso, Robert Ortega, Jr. at Marlon Lacson, na pinarangalan para sa kanilang 18 taon na iginugol bilang mga miyembro ng Konseho. Si Fugoso ay kasalukuyang hepe ng Manila social welfare department habang si Lacson naman ang secretary to the mayor ng Maynila sa ngayon.
Gayundin, ating binabati sina assistant city administrator Jocelyn Dawis-Asuncion at Manuel “Let Let” Zarcal na “Perlas ng Konseho” awardees din matapos na maglingkod bilang mga Konsehal sa loob ng 21 taon.
Congratulations ring muli kina City Ad Bernie at VM Danny na kapwa naman talagang ‘deserving’ na maparangalan sa kanilang naiambag hindi lamang sa Manila City Council kundi maging sa mismong mga datihan at kasalukuyang Konsehal ng Maynila, at maging sa pamahalaang-lungsod na din.
Ang dalawang ito ang nagsisilbing utak, pundasyon at haligi ng partido kung saan lahat ng mga nabanggit na awardees ay nakapulot ng maraming aral at mga ‘tip’ sa pulitika at sa pagiging mahusay na lingkod-bayan. Hindi matatawaran ang kanilang talino, dedikasyon at pagmamahal sa partido at mga bumubuo nito. Congratulations muli!!!
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.