Advertisers
ISA sa mga sinisisi ngayon sa malawakang pagbaha sa Bulacan ay ang National Irrigation Administration (NIA).
Sabi ng mga taga-Bulacan, kaya nagkaroon ng mga matinding pagbaha sa kanilang lugar ay dahil sa biglang pagpakawala ng tubig ng walang abiso ng kung sinong gagong namamahala sa irrigation ng NIA sa lalawigan.
May nagsabi ring ang isa sa mga rason ng malalim na baha sa kanilang lugar ay ang putol-putol na mga proyekto ng NIA, dahilan para maghanap ng daanan ang tubig.
Napakalaking taxpayers money na ang ginugol sa mga proyekto ng NIA, pero tila walang katapusan ang kanilang mga ginagawa. At iilan lang daw ang kontraktor nila dyan. Parang resident contractor na!
Sa rekord, during Duterte administration, binuhusan ng malaking pondo ang NIA: 2017, binigyan ito ng P15 bilyon. Sumunod na taon (2018-2019) ay P20 bilyon; 2020 (P25 bilyon); 2021 (P19 bilyon); 2022 (P22 bilyon).
Ang kapansin-pansin dito, mula 2019 hanggang 2021 ay kasagsagan ng Covid-19, natigil ang mga paggawa, pero binigyan parin sila ng napakalaking pondo!
Kaya tama si Senador Raffy Tulfo na dapat imbestigahan, inspeksyunin ang lahat ng proyekto ng NIA simula 2017 – 2022.
Ito kasing NIA ay gumagawa ng mga proyekto sa mga lugar na napakahirap puntahan ng inspectors ng Commission on Audit. Kailangan mo pang gamitan ng drone para makita kung may ginawa ngang project sa erya o kanal-kanalan lamang!
Sa amin lang sa Tablas island, Romblon, napakaraming proyekto ng NIA na hindi manlang napakinabangan. Kasi wala namang maayos na source ng tubig, umaasa lang sa ulan. Tapos kapag bumuhos ang ulan at nagbaha, ang ginawang irrigation ay wasak agad dahil sa sub standard na paggawa.
Sabi ng mga residente sa lugar, ang mga semento at bakal kasi ay ibinibenta ng mga namamahala sa paggawa.
Tuldukan!
***
Natawa ako rito sa press release ng Philippine Coast Guard. Kakasuhan daw nila ng Estafa ang grupo ng mga bangkero at may-ari ng bangka na lumubog sa Binangonan, Rizal kamakailan kungsaan 27 ang nasawi dahil sa overload at masama ang panahon.
Bagama’t tama ang hakbang na ito ng PCG, pero ang personnel nila sa lugar ang higit dapat parusahan dito. Bakit?
Unang una, ang on duty coast guards ay dapat nasa pantalan para ma-monitor ang sakay ng mga paalis na bangka, tiyakin na hindi ito overload. Kaso ang tinamaan ng magaling na mga coast guard ay naghihintay lamang ng manifesto sa kanilang tanggapan. Kaya ‘di nila alam na sobra sobra na sa kapasidad ang sakay ng bangka. Tapos maghuhugas kamay kapag may nangyaring trahedya sa laot dahil sa overload! Fuck!!!
Hindi lang dapat suspended ang parusa sa commander at duty personnel ng PCG sa pantalan ng Binangonan. Dapat sibakin sila sa serbisyo para magsilbing leksyon sa ibang mga tamad na coast guard. Mismo!
Isang netizen mula sa Boracay ang nag-chat sa akin. Sa Boracay port daw ang guard ay mahigpit lamang kapag walang “ipit” sa manifesto. Araguy!!!
Sa aming bayan sa Sta. Fe, Romblon, ang napapansin ko sa coast guards ay naghihintay lang ng manifesto sa opisina, hindi manlang sinisilip ang sakay ng mga bangka na papuntang Carabao island at Boracay.
Sa sunud-sunod na pagkalubog ng mga banca de motor ngayon, mga naglalayag ng isla to isla, dapat nang maging alerto ang PCG. Bilangin n’yo ang sakay ng mga bangka, hindi yung wala kayong paki kahit overload dahil sa “ipit!”