Advertisers
Super yaman naman ng isang senador na nakabili ng condominium na nagkakahalaga ng P600 milyon. At ang nakakabelib pa rito one time payment lang ito at dinala sa bangko ang nasabing halaga.
The WHO ang nasabing senador?
Pero sa kabuuang halaga mayroon palang nakasamang P25M na demonetized money at hindi na tinanggap ng bangko.
Teka lang sa pagkakaalam ko ang huling demonetization sa Pilipinas sa panahon pa ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino Jr.
Nagtataka naman ang marami kung saan itinago ng naturang senador ang mga lumang pera, may imbakan yata ito sa ilalim ng kanyang bahay.
Buti na lang hindi inanay.
Nang malaman ng mambabatas na may nakasama na P25M demonetized money, agad niya itong pinalitan.
Ibig sabihin nagbasag pa ang nasabing senador ng mga alkansiyang nakaimbak sa kanyang bahay dahil mabilis nitong napalitan agad ang mga lumang pera.
Galing mo naman Senador, mag-ipon ng pera hindi mo idineposito sa bangko.
Nakakabelib ka, sobrang talino. Hak! hak! hak!
***
Hindi kaya pagsumasapit ang election, hindi naglalabas ng pera ang mambabatas para sa kanyang makinarya para manalo at umaasa na lang sa kasikatan niya at ng kanyang pamilya. Sabagay lahat naman ng nakaupo na pamilya sa senado sikat at kilala sa lipunan. Di ba?
Sa aking opinion para makapag-imbak ka ng ilang milyon na matatawag natin na nilumot na mga pera bunsod na rin sa ilan taon na itong demonetized ang ibig sabihin lamang nito, saksakan ng kunat ang naturang senador. Hak! hak! hak! May tama ba ako?
Tanong ilang milyones pa kaya ng mambabatas ang nakaimbak sa baul at hindi dinideposit sa bangko?
Bakit kaya ayaw ilagak sa mga bangko ang kanyang pera?
Baka ayaw nitong matuklasan sa kanya SALN ang lahat ng nakatagong kayamanan nito at para hindi sumailalim sa lifestyle check at maungkat kung saan nagmula ang sandamakmak nitong salapi? Saan nga ba galing ang mga nakaimbak mo pera Senador?
Pero kung tutuusin nakakapanghinayang naman ang P25M kung wala na itong halaga o silbi sana ibinigay na lamang ng senador sa mga mahihirap na Pilipino na palagiang nauuto nitong iboto siya tuwing eleksyon.
***
Sino naman itong cabinet secretary na kulang-kulang isang taon pa lang nanunukulan lalong lumolobo ang kayamanan nito?
Ayon sa impomasyon na matapos umanong ma-award ang mga naglalakihang proyekto sa kanyang departamento, agad na lumipat umano ito sa Corinthian Gardens.
Alam naman natin na bigatin ka kapag nakatira ka sa Corinthian Gardens dahil ilang daang milyon kaya ang halaga ng property at bahay sa naturang lugar.
Ang siste pa brand new lahat ng mga appliances at muebles kasi walang dinala ang opisyal na anomang kagamitan sa dati nitong tinitirhan.
Gusto ninyong malaman kung sino itong tinutukoy ko na cabinet secretary hintayin natin baka mag-imbita sa blessing sa bagong niyang kaharian. Mag-selfie ako at i-post ko. Hak! hak! hak!