Advertisers
Oo naniniwala tayo diyan. Si Jesus Christ ang ating tagapagligtas. Walang duda yan.
Ang tanong ngayon ni Tata Selo ay kaya ba maisalba ng isa pang J.C. ang Pilipinas sa FIBA World Cup na magsisimula na sa ika-25 ng buwang kasalukuyan.
Oo, NBA veteran yan at tinanghal pang “Sixth Man of the Year” noong 2021 pero mabitbit ba niya ang Gilas sa kanyang balikat?
Simple sagot diyan Tatang. Wala naman single player na makakapasan ng kanyang koponan lalo pa sa ganitong torneo.
Nguni’t malaking bagay ang naturalized player nating si Clarkson.
Hinintay nga ang Jazz cager ni Coach Chot Reyes kahit lagpas na ang palugit nitong 30 araw kailangan nageensayo na sa kanya.
Mahalaga ang papel ni Jordan sa team. Tagabuslo ng mga 20 puntos kada game at pang attract sa double team ng mga makakatapat para may malibre sa wing o sa ilalim.
Hayun pinagtiyagaan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) kahit late naging available at balitang mahal ang talent fee ng 6’5 na guard.
Isa pa sigurong dahilan ayon kay Ka Berong ay ang box office draw ng Kano.
Tiyak mas malaking pangalan daw yan kasi kay Justin Brownlee o sa mga iba nating pwedeng import ng Pinas.
Dagdag pa nga ni Kaka na sayang at hindi pinagbigyan ng FIBA si JC bilang lokal. Kung sakali ay pareho sila ni JB sa Team PH. Siguradong mas matindi amg line-up.
Suwertehin lang daw sana tayo sa Senegal o sa Dominican Republic sa first round ay makakataas na yan ng kumpiyansa sa susunod na mga laban.
Wish din natin maging factor si Kai Sotto sa mga match. Naku baka ang performance ng 7-footer dito ang maging ticket niya para papirmahin ng isang NBA franchise. Kung sabagay batid niya yan pati ng kanyang mga handler.
***
Sa pag-iikot ni Pepeng Kirat sa Dublin, Ireland ay iisa pa lang open court ang nakikita niya. Ito raw ay sa St Patrick Grammar School sa tapat lang ng side entrance ng popular na simbahang ipinangalan sa patron saint ng bansa.
Hindi kasi ganoon kasikat ang sport sa bansa ni Colin Farrell. Ang mas nais daw sa Ireland ay ang football, hurling, cricket at golf. Hindi pa nga raw ito top ten nguni’t may pambansang koponan naman sila. Rated sila ng FIBA na pang-96. Kilala sa nickname ang team sa Boys in Green.
***
TRIVIA x 2…Nagwagi ng titulo ang mag-amang Robert Sr at Jr Jaworski sa PBA sa iisang team at taon. Kilala ang prangkisa noong 1997 na Gordon’s Gin nang makopo nila ang Commissiomer’s Cup ng PBA bilang playing coach at player. Iisa lang din ang naging college coach ng mag-tatay. Si Coach Baby Dalupan ang kay Sonny noong 60’s sa UE at siya rin kay Dodot sa ADMU noong mid 90s.