Advertisers
MAAARING hindi napapansin ng milyon-milyon nating mahihirap na mga kababayan na abala sa pag-iisip kung saan kukuha ng susunod nilang kakainin, subalit gaya nila ay lumalangoy na rin sa utang ang ating pambansang pamahalaan.
Tingnan natin ang numerong ito: umabot na sa P14.15 trilyon ang kabuuang utang ng national government mula sa local at foreign funding institutions nitong katapusan ng Hunyo base na rin sa tala ng Bureau of Treasury.
Tama po ang nabasa niyo mga ka-Hindaway, P14.15 trilyon na ang utang ng bansa noong Hunyo at siyempre nadagdagan na iyan simula noon dahil sa interes na kailangang bayaran kada araw.
At alam ba ninyo kung magkano ang binabayaran nating interes kada araw?
Ang sagot, umaabot sa P5.2 bilyon ang interes pa lang na kailangang bayaran araw-araw ng pamahalaan.
Dahil interes pa lang iyon, kaya hindi naman nababayaran ang principal amount na P14.15 trilyon.
Ibig sabihin, kada araw na lumilipas ay napakalaking halaga ang napupunta lang sa pagbabayad na dapat sana ay nagagamit sa mga proyekto at paghahatid ng batayang serbisyo sa ating mga kababayan.
Kung pagbabasehan natin ang panukalang 2024 national budget na umaabot sa P5.767 trilyon, lumalabas na halos tatlong doble na pala nito ang ating utang.
Ang masakit pa rito, kumbaga sa isang sambahayan, sobrang mas mataas ang gastos natin kada araw keysa sa pumapasok na pera.
Lumalabas kasi base na rin sa pagtataya ni Batangas Cong. Ralph Recto na P15.8 bilyon ang gastos ng gobyerno kada araw, pero P11.7-B lamang ang pumapasok na pera , kaya kailangang mangutang ng P4-B kada araw para mapunuan ang natitirang pangangailangan.
At siyempre dahil utang ay dapat iyong bayaran ng may interes na siyang dahilan kung bakit hindi natin alam ay lumulubog na tayo sa kumunoy na ito.
“In easy to remember figures, this is the lowdown: Gagasta ng P15.8 billion bawat araw. Ngunit P11 billion lang ang kayang pondohan ng buwis. Kaya may P4 bilyon na dapat utangin. Kada 24 oras,” sabi ni Recto.
Kahit sinong nanay na nagbabadyet ay tiyak na sasakit ang ulo kapag kulang ang perang iniuuwi ni mister kaya naoobliga siya na mangutang sa mga kapitbahay para mapunuan ang pagkukulang.
Pero ang masakit nito, maliban na may malaking milagrong mangyari ay magpapatuloy tayo sa walang katapusang vicious cycle na ito.
Kaya naman nahaharap tayo at magiging mga anak natin at magiging mga anak nila sa pagpapasan at pagbabayad sa mga utang na ito.
Sa totoo lang, okay lang naman na magbayad ng utang . Iyon ay kung may pambayad tayo dito!
Ang problema , saan tayo kukuha ng pambayad sa napakalaking pagkakautang na ito ng ating bansa?
Iyan ang masakit na katotohanan!
Abangan!