Advertisers
NAPAKARAMI nang ibinulgar tungkol sa pamamayagpag ng illegal gambling, illegal drugs at mga “paihi” operations sa Laguna, ngunit hindi gumagalaw ang mga hepe ng pulisya sa lalawigan.
Sa kaduda-duda nilang ‘di pagkilos na sugpuin ang lantarang operasyon ng STL con-jueteng, lotteng, sakla, pergalan (perya at sugalan) at iba pang uri ng sugal, ganon din ang lumalalang problema sa droga at paihi (patulo, pasingaw o buriki) ay may nadiskubre na naman ang SIKRETA na dapat lang na paimbistigahan ang mga opisyales ng pambansang pulisya sa mga bayan at lungsod ng bahaging ito ng CALABARZON.
Ang nakalap na impormasyon ng SIKRETA ay galing mismo sa sirkulo ng “underworld” sa Laguna (gambling lord at paihi operators) na nagdedetalye sa “unholy alliance” sa pagitan ng PNP officials at mga ilegalista.
Nagngangalang alyas “Jowel Kwento” ang nagsisilbing “kapustahan” o overall collector ng protection money sa naturang probinsya.
Umaabot sa tumataginting na P15 milyon kada linggo ang nakokolekta ni Jowel Kwento sa mga vice at drug operators para sa mga kausap o dapat bigyan na police officials bilang lagay nang sa ganon ay walang mangyaring bulabugan at hulihan upang maging plantsado at pulido ang operasyon ng nasabing mga iligal sa lalawigan ni Governor Ramil Hernandez.
Isipin na lamang, sa pustura at disposisyon, dinaig pa pala nitong Jowel Kwento si PDGen. Acorda, Jr. pagkat hindi lamang ang lingguhang pangongolekta ng intelihencia o suhol sa ipinangingikil na PNP officials kundi may kapangyarihan din ito (Jowel Kwento) na magbigay ng permiso kung sino ang mga iligalistang maaring makapag-operate sa alinmang mga siyudad at munisipalidad sa Laguna. Wow!!!
Dahil protektado at may basbas ang kanilang operasyon kaya maging ang mga puesto pijo ng mga sugal na color games at mga tinatawag na sugal-lupa nina aling Judith sa Tram Plaza na malapit sa Polytechnic Hospital at Iglesia ni Cristo at maging ang permanenteng pasugalan ng color games at iba pang uri ng labag sa batas na card at table games sa Garden Villa ng isang Aklang na parehong sa Sta Rosa City ay hindi tinitinag ni City Police chief LtCol. Dwight Fonte.
Sa tabi naman ng public market sa siyudad ni Binan City Mayor Walfredo Dimaguila Jr., ulani’t arawin, 24/7 din ang operasyon ng ilegal na pasugal ni Janice, na ‘di rin alintana ni Police Chief LtCol. Virgilo Jopia.
Nabigyan din ng basbas ni alyas Jowel Kwento ang tuloy-tuloy na operasyon ng may 25 STL con-jueteng operators na sina alyas Tose, Tita, Osel, Amante, Timmy, Orlan, Jayson, Pinky, ex-police Eborra, Nico, Manguiat, Kon Robert, Mayang, Gil, Vener, Baretto, Angke, Bong at iba pa.
Ang mga sakla maintainer na nabigyan din ng “go signal” ni Jowell Kwento kaya’t aakalaing ligal ang operasyon ng mga ito ay sina alyas Oruga, Jayson, Joan at Robert, Lady Rose, Castillo, Ronnie / Junjun, Leviste, Katimbang, Jenny at Bong.
Si Bong, ang sakla king ng Laguna na nagmamantine ng mga saklaan sa mga lungsod ng Sta. Rosa, Cabuyao, Binan at Calamba, mga bayan ng Victoria, Los Banos, Rizal ay naghahatag ng P100,000 kada pwesto bawat isang lingo sa mga taggapan ng mga naturang hepe. Alam mo ba ‘yun, PNP Chief, Acorda, Sir?
Maging ang dalawang paihian sa Brgy. Makiling nina Ador, isa sa likod ng Yakult Philippines at ang isa pa sa dating warehouse ng San Miguel Corporation ay nabigyan din ng bendisyon ni Jowel Kwento, kasama na ang burikian o paihi ni Mr. King sa Silangan Exit sa Calamba City.
Pati na ang iligal na paradahan ng mga cargo truck at iba pang malalaking behikulo ng “Nofrada Gang” sa Brgy. Makiling Highway, Calamba City ay may basbas din ni Jowel Kwento kaya’t nganga lang dito si Calamba City Police Chief, LtCol. Milany Martirez.
Multi milyonaryo na ngayon itong si Jowel Kwento gamit ang mga naturang opisyal ng PNP? Tuldukan!
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144.