Advertisers
MISTULANG bulag, pipi at bingi ang mga opisyal ng Navotas City Police at ang intel unit nito, ganon din ang Philippine Coast Guard, Maritime Police at Custom sa hayagang “black gold operation” o paihi sa Navotas Fish Port.
Bakit?
Sagot: Malaking pera ang ibinigay bilang “lagay” sa ilang tiwaling opisyal na nabanggit na mga ahensiya ng gobyerno galing sa mga sindikato ng paihi?
Ang paihi, ay ‘smuggled’ na langis na sumisipsip o hinihigop ang laman mula sa mga barko o delivery bunker na nakadaong sa karagatan ng Manila Bay at Navotas Fish Port at inililipat ang mga kontrabando sa dalang bangka na mukhang fishing vessels na dumidikit sa mga bunkers habang pasayaw-sayaw ito sa laot ng karagatan.
Ayon sa impormante, maraming taon nang nagpakasasa ang mga sindikato ng paihi maging ang ilang tiwaling opisyal ng PNP, Customs at Philippine Coastguard maging ang NBI dahil hindi birong salapi ang pinantatapal ng mga sindikato ng paihi sa mukha ng mga suwapang na opisyal.
Ayon sa source, tuwing nagkaroon ng balasahan tiyak walang pagbabago dahil kakausapin lamang ng mga bigtime na sindikato ng paihi ang mga bagong palit, tiyak kasama na sila sa kalakaran.
Dagdag pa ng asset, sa huling impormasyon na natanggap niya, nagpulong ang mga bigtime operator ng paihi para mag-ambagan at ipadala ang malaking salapi sa tanggapan ng Northern Police District (NPD) para everybody happy, para wala na umanong mambulabog sa kanilang operasyon na paihi na barge to barge sa Manila Bay.
Totoo kaya ito?
Sabi ng impormante, dapat kumilos at aksyunan ni DILG Secretary Benhur Abalos ito, at sibakin ang “anay” na sumisira sa gobyerno dahil pati sila ay nakakaladkad sa operasyon ng paihi.
Ayon sa impormante, isang retiradong pulis CIDG na alyas “Brando” ng break water ay may malaking bodega o imbakan ng langis sa loob mismo ng Pier 5, sina alyas Bebot at Manny naman ay may malaking bodega din na matatagpuan sa may San Roque malapit sa tawiran ng Navotas-Malabon na madalas magtago sa may Benuangan.
Si alyas Badong naman ay meron ding malaking bodega sa loob mismo ng Navotas fish port na umano’y tumatayong lider ng sindikado ng paihi.
Sinabi din ng impormante na umabot na sa P2.7 million ‘payola’ ang ibinibigay ng mga sindikato sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan? Take note, SILG Benhur Abalos at PNP Chief, Benjamin Abalos, Your Honor!
Subaybayan!
***
Kung may tanong, reaksyon o suhestiyon ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.