Advertisers

Advertisers

Reklamo uli ng illegal arrest vs Bulacan Police

0 134

Advertisers

MALAMANG na masibak lahat ng pulis ng Sta. Maria Bulacan Police Station matapos ireklamo ng illegal arrest ng umano’y drug suspect sa loob mismo ng bahay.

Ayon kay Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS) Inspector General Alfegar Triambulo, nagreklamo sa kanila ang isang ina ng inarestong drug suspect, nagtatago raw ng marijuana, na hinuli sa loob ng bahay. Tinorture daw ito.

Sinabi ng ina na pinagbawalan siya ng mga pulis na makita ang kanyang anak ilang araw na ang nakalilipas.



Nang pumunta ang ina sa tanggapan ng PNP-IAS, ininspeksyon ng investigating team ni Triambulo ang police station na pinamumunuan ni Lt. Colonel Christian Alucod.

Napag-alaman ng PNP-IAS team na walang warrant para sa anti-drug operation ang mga pulis na pumasok sa bahay ng umano’y drug suspect.

Inamin din ni Alucod na alam niya ang naturang operasyon. Kaya isa narin siya ngayon sa mga malamang na masibak! Araguy!!!

Numero unong armas sa mga panghuhuli ng suspek ang arrest warrant at search warrant kung papasukin ang bahay. Maliban nalang kung nasa hot pursuit operation, hinuhuli ang suspek nang naaktuhang gumagawa ng krimen.

Kung basta lang pinasok ang suspek sa bahay ng walang anumang warrant sa operasyon ang pulisya, katakot-takot na kaso ang kakaharapin ng mga operatiba. Alam ng mga pulis ito dahil kasama ito sa kanilang pinag-aralan sa college lalo kung Criminilogy ang kurso. Pati sa training ng pulis ay paulit-ulit na itinuturo sa kanila ang ‘dos’ and ‘donts’ sa operations. But why o why??? Anyare sa ating mga pulis?



Kamakailan lang 22 pulis ng Navotas City ang sinibak sa puwesto kasama ang hepe at ilan pang opisyal nang mapatay sa “hot pursuit” operation ang maling suspek na 17-anyos na mangingisda na si Jemboy Baltazar.

Ang palusot ng mga pulis ay may nagturo raw sa kanila na ang suspek sa pamamaril ay tumakbo sa bangka. Nang makita nila si Jemboy at kasama nito na nasa loob ng bangka na noo’y naghahanda para sa kanilang pagpalaot ay nagpaputok ng baril ang mga pulis. Na sa takot daw ni Jemboy ay tumalon ito sa tubig pero pinaputukan nang pinaputukan parin ito ng mga pulis. Patay ang bata!

Noong July, sinibak din ang buong unit ng police intelligence ng Manila Police District (MPD) dahil sa kalokohan ng lima nilang miyembro na nang-raid ng isang computer shop sa Sampaloc, Manila bandang 11:00 ng gabi ng walang anumang hawak na warrant sa operasyon.

Nang imbestigahan, lumabas na pang-e-extort pala ang ginawa ng naturang mga pulis, na tumangay daw ng P40,000 kita ng computer shop at nagpatimbre pa raw ng P4K weekly. Inakusahan ng mga bugok na parak ang computer shop na mayroong illegal gambling. Sus!!!

Obviously, ang mga ganitong klaseng operasyon kuno ng mga pulis ay malinaw na pangingikil lang! Kasi kung lihitimo ang operasyon nila, dapat may kasama silang barangay at higit sa lahat ay may warrant sa operasyon. Tama ba ako, PNP Chief, General Benjamin Acorda, Jr., Sir!

Mabuti lang at masipag, mabilis itong PNP IAS sa mga imbestigasyon sa mga reklamo laban sa mga bugok na miyembro ng PNP.

Tamang linis ang PNP, alisin kaagad ang mga bulok. Maraming bata na pasado ngayon sa Criminology at Napolcom exams na gusto maging pulis, ipalit ang mga ito sa mga bugok na parak. Now na!