Advertisers
TILA binabalewala ng Sangkapulisan maging ang Panlalawigang Pamahalaan ng Bulacan ang nakasaad sa Executive Order No. 9 ng Pangulong BBM na bawal at hindi pinahihintulutang mag-operate ang e-sabong sa buong Pilipinas.
Para sa kaalaman ng mga Ka Usapang HAUZ ang EO No. 9 ay pinalawig na kautusan ni former President Rodrigo Roa Duterte na nagsasabing bawal ang ‘live streaming’ o ‘broadcasting live via online o internet’ ng anumang uri ng sabong.
Ang mariing kautusan na ito mga Ka Usapang HAUZ ay dahil na rin sa kaso ng 34 missing sabungeros na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita ng kanilang mga kamag-anakan.
Matapos ang pagpapalabas ng direktiba, kaagad huminto ang World Pitmaster Club ni gambling tycoon Atong Ang.
Ang problema, marami sa mga dating tauhan ni AH AH ang nakipag-alyansa sa ilang personalidad na uhaw ding kumita ng pera sa pamamagitan ng illegal na pamamaraan.
Sa kabila ng ‘marching order’ ni Pangulong BBM, tuloy ang ligaya ng illegal sabong online.
Base sa report na inilabas ng Bloomberg, marring kumita ng P3 billion ang isang operator ng e-sabong “wow naman super panalao”.
Kaya kahit huminto ang isang Atong Ang, marami na ang nagkainteres upang gawin ito ngayon. Ang problema, illegal ito ipinagbabawal ng Pangulong Marcos at wala rin silang sapat na permit o franchise sa PAGCOR.
Karamihan sa mga operators ng illegal e-sabong ngayon ay mga kilalang ‘gambling lords.’
Eto ang matindi mga Ka Usapang HAUZ kasosyo nila ang ilang retiradong heneral at iyong iba ay ‘active generals’ pa na may puwesto sa Camp Crame at Camp Aguinaldo.
Iyong iba naman ay kasosyo rin ang ilang IT programer at ilang local officials sa kani-kanilang probinsiya.
May kilala ako na IT programer na nakabili ng helicopter, yate at dalawang mansiyon sa Forbes Park. May pinapatayo na rin itong high rise building na katas ng legal na sabong noon, eto ang super wow.
Pero ngayong illegal ito, ibig sabihin, walang ipinapasok na buwis sa pamahalaan kaya tiyak mas malaki ang kickback nito.
Nabatid na patong sa illegal na e-sabong ay ilang PNP officials at siyempre ilang local officials din.
Ilang personalidad din ang nasa likod ng iba’t ibang illegal na e-sabong. Ilan sa kanila ay itago natin sa alyas Dose, Vernos, Cholo at marami pang iba.
Pero para maging makatotohanan ang lahat, magandang ipag-utos mismo ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr., na ipagalugad kay Police Regional Office (PRO) 3 chief Brig. Gen. Jose Jun Hidalgo Jr. ang mga sabungan sa Bulacan.
Isama na rin natin na ipaalam ang nasabing ilegal na kalakaran kay DILG Secretary Benhur Abalos na baka hindi rin nito alam ang nangyayaring hokus pokus hinggil sa E-Sabong sa probinsiya ng Bulacan.
Dapat ding kumilos agad si Bulacan Police Provincial Office (BPPO) director Col. Relly Arnedo dahil nakatatak sa tao ang tinatawag na ‘one strike policy’ ng PNP.
Ibig sabihin, kapag nahulihan ka na may illegal sa iyong nasasakupan, malamang sa malamang ay sibak ka agad!
Sinabi ng ating source na ginagawa ang illegal na sabong online tuwing alas-5:00 ng hapon hanggang madaling-araw.
After 5pm daw ang illegal na e-sabong kasi sa umaga ay ang ‘face to face’ na sabong na ginagawa sa mga sabungan.
Para maging ‘accurate’ ang ating impormasyon, maganda pong pasyalan kada-alas-5:00 ng hapon hanggang madaling araw ang mga sabungan sa Bulacan province.
Una na rito ang Malolos Cockpit Old Arena, gayundin sa Sta. Maria Square Cockpit Coliseum at Balagtas Cockpit Arena.
Mayroon din sa Clint Eryx Cockpit Arena sa bayan ng Balagtas na minamantini ng isang alyas Erwin.
Lantaran din ang illegal e-sabong sa Meycauyan Cockpit Arena, Bgy. Pandayan, Meycauyan, Bulacan.
Ganoon din sa bayan ng Bustos, Bulacan.
Sa New Marilao Coliseum, Bgy. Abangan Norte, Marilao ay may illegal e-sabong din na ang may-ari ay isa umanong local na opisyal.
Isang alyas Lando naman ang umano’y namamahala ng illegal e-sabong sa Norzagaray Cockpit Arena.
Sa Angat Bulacan Coliseum ay isang Wowie ang maintainer ng illegal na e-sabong.
Hindi ko alam kung bukod sa nababalewala ang EO No. 9 ni PBBM ay hindi na rin uso ang ‘one strike policy,’ kasi baka tutulug-tulog sa pansitan ang mga chief of police ng nabanggit na bayan kaya hindi nila namomonitor ang illegal na aktibidades ng illegal na e-sabong sa kanilang nasasakupan.
Ayaw ko sanang paniwalaan ang sinabi ng lolo ko noon na mahirap gisingin ang nagtutulug-tulugan. Dahil mas maganda siguro kung si Gen. Hidalgo mismo ang gumising sa mga station police chief ng Bulacan.
Ito pa ang mas matindi mga Ka Usapang HAUZ ayon sa ating impormante umaabot daw sa P100k ang ‘tongpats’ ng bawat istasyon ng pulisya araw-araw pahintulutan lamang ang illegal na e-sabong, sana hindi tutuo na 100k.
***
Para sa inyong Puri at Puna maaaring mag email sa cesarbarquilla2014@yahoo.com o tumawag or mag Txt sa 09352916036