Advertisers
Itinulak ni Senator Christopher “Bong” Go ang institutionalization ng Overseas Filipino Workers (OFWs) Hospital gayundin ang pagtatayo ng OFW ward sa bawat ospital ng Department of Health (DOH).
Sa interbyu matapos tulungan ang mga mahihirap na residente sa Olongapo City, Zambales, binigyang-diin ni Go ang pangangailangang i-maximize at tiyakin ang patuloy na operasyon ng OFW Hospital na nasa San Fernando City, Pampanga.
Ang OFW Hospital ay nakatuon sa paglilingkod sa mga pangangailangang pangkalusugan ng mga OFW at kanilang mga pamilya.
Ipinaalala ni Go, chairperson ng Senate committee on health, ang pangarap dati na magkaroon ng departamento para sa mga OFW, na tinutukoy bilang mga modernong bayani ng bansa.
“Unang-una, nasasayangan po tayo dito sa OFW Hospital. Remember, we have more than 10 million Filipinos abroad, OFWs included. Sinikap nating magkaroon sila ng isang departamento. Ako po ang isa sa mga author at co-sponsor nito na naging batas para itayo itong Department of Migrant Workers (DMW),” sabi ni Go.
“Kaya nalulungkot po ako kung hindi ito mapakinabangan, considering na malaki ang investment sa ospital na ito. Kailangang ma-maximize natin ang serbisyo ng OFW Hospital,” dagdag niya.
Upang matugunan ang isyung ito, inihain ni Go ang Senate Bill No. 2297 na naglalayong ma-institutionalize ang OFW Hospital para matiyak ang tuluy-tuloy na operasyon nito.
Ang panukalang batas ay upang mapabuti ang mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan ng OFWs at kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kasalukuyang pasilidad at paglalaan ng mga kinakailangang pondo sa operasyon nito. Hinimok din niya ang DMW na tugunan kaagad ang anumang pagkukulang.
Ang Ospital ng OFW na donasyon ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga, ay nagsimula ng operasyon noong Mayo 2022. Ito ay may 6 palapag at capacity na 100 kama.
Bilang dagdag sa kanyang pagsisikap na palakasin ang umiiral na Ospital ng OFW, ipinahayag ni Go ang kanyang suporta sa panukalang pagtatayo ng OFW wings sa mga regional hospital. Inihain ni Go ang Senate Bill No. 2414 na layong magkaroon ng OFW ward sa mga ospital ng DOH.
Binanggit niya na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos ang DMW at ang Department of Health (DOH) na talakayin ang posibilidad na ipatupad ang inisyatibang ito sa buong bansa.
“Ano ba naman ‘yung OFW ward na ilagay natin sa mga ospital na dedicated po sa ating OFW na nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya at para sa ating bayan?” ani Go.