Advertisers
TINAYUAN ng Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon ang pahayag ng kawalang alam sa sistema ng edukasyon ng iutos na tanggalin ang anumang nakasabit na bagay sa silid aralan sa pampublikong paaralan. Walang pag-aalinlangan na iniutos ng kalihim na alisin ang mga nakadikit, nakasabit sa dingding sa mga silid aralan na walang saysay sa aralin ng mga bata. Isang padalus-dalos at kasing larawan sa nakaraan ng sapakin ang isang sheriff na ipinatutupad ang lehitimong utos mula sa sala ng korte. Hindi nagtanong sa sino mang eksperto kung ano ang silbi ng mga larawang napansin sa silid aralan ng ito’y mag brigada eskwela. Hindi nagpatumpik-tumpik na ilabas ang kautusan na linisin ang silid aralan sa anumang bagay na masakit sa mata na nagpahaba sa ginagawang paglilinis ng magbrigada eskwela. Hindi pumasok sa isip o sadyang walang isip na ang mga nakitang mga larawan sa silid arala’y mga “Learning Materials” na tulong sa pagtuturo sa mga bata. Sinabi na ngang walang alam, ano pa.
Mailalarawan na ang kautusan ni Inday Sapak ang malakas na pagsasaad ng kawalan ng kaalaman sa mga bata ang kalihim higit sa mga mag-aaral na nasa pampublikong paaralan. At karaniwang hirap sa pag-unawa sa tinatawag na 3Rs o ang reading, (w) riting at (a) ritmithic. Sa pag-uutos na alisin ang mga learning materials sa mga silid aralan, tila sinasadya ng kalihim na maging mangmang ang mga bata sa tatlong larangang nabangit. Sa pagsusuri, marami sa mga bata na nasa 6 grado o kahit ang mga nasa sekondarya ang hirap sa pagbabasa higit ang unawain ang binabasa. Sa dami ng mga bata’t kabataan sa pampublikong paaralan, kapansin-pansin ang pag-igsi ng oras sa pagpasok ng mga ito. Sa dami ng mga mag-aaral at ang kakulangan sa mga silid aralan, nariyan ang shifting schedule na dahilan sa pag-igsi sa pagtutok ng mga guro sa mga estudyante higit sa may kabagalang matuto. Sa dakilang utos ni Inday Sapak na alisin ang lahat ng masakit sa matang mga bagay, asahan ang pagbulusok pababa ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Sa kabilang banda, masasabi ba na ang pagbagsak ng kalidad ng edukasyon ay ang mabagal na pag-angkop ng bansa sa mabilis na paglago ng teknolohiya sa mundo. O’ sadyang napabayaan ang edukasyon dahil sa uri ng lider na una ang sarili bago ang bayan. At sa kautusang inilabas ni Inday Sapak, tila sinusugan ang kawalan ng alam sa Sistema ng Edukasyon ang kalihim. Huwag ng patagalin sa pwestong tangan. Sa totoo lang, hindi angkop ang kautusan at padalus dalos na pasya na ang bata’t kabataan ang magdadala sa kinabukasan. Sa totoo pa rin, mahalaga ang mga learning materials na nasa loob ng mga silid aralan dahil inilalarawan nito ang mga mahahalagang bagay na natutunan mula alpabeto, bilang, mga bayani, dating mga pangulo, mga pambansang sagisag at marami pang iba. At pagpapatangal ng mga ito’y larawan ng kawalang delikadesa sa panig ni Inday Sapak, namu.
Sa sarili, masasabing may pagdadalawang isip na bumababa ang kalidad ng edukasyon sa Pinas. Sa kadahilanan sa nakalipas na mga lingo, nabatid na maraming nagtapos sa mga Pamantasan na may Latin Honors. Nariyan ang UP na nagpatapos ng napakaraming Summa Cum Laude sa kasaysayan nito. Ikinasisiya ang balita ngunit ng mabatid na malaki ang ibinaba ng kalidad ng pagkatuto ng mga Pinoy higit sa mga nasa pampublikong paaralan, nagpahina sa kalooban. At sa huling survey na nabatid, nariyan ang nakapanlulumong resulta na 86% ang average IQ ng Pinoy. Wow Mali! Ang dating namamayagpag na husay ng Pinoy sa Asya’y tila kasaysayan na lang.
Sa pagbanga ng dalawang magkasalungat na balita, may usapin na dapat ang bayan higit sa Sistema ng edukasyon na dapat ipatupad sa bansa. Sa pagsasaliksik, malaki ang kahinaan ng mga bata’t kabataan sa usapin ng 3Rs higit ang mga nasa pampublikong paaralan. Sa pagsusuri nabatid hirap ang mga mag-aaral sa pampublikong paaralan na makapagbalangkas ng simpleng pangungusap at taludtod. At sa totoo lang, nagmula sa pribadong paaralan ang magagaling na kabataang Pinoy. Ngunit ito’y iilan sa milyon milyong kabataan na mababa ang kalidad ng kaalaman. Ang pagtutok at sapat na oras sa pag-aaral ang kailangan ng kabataan higit ang mga nasa primaryang antas. Masabing walang lugar ang mag-aaral sa pampublikong paaralan ang maipakita ang angking galing sa kawalan ng programang nagpapataas ng kaalaman. Sa uri ng liderato na ipinamamalas ni Inday Sapak, taliwas na masasabi na mapapabuti ang sistema ng edukasyon sa bansa. Hindi pa usapin ang kawalan ng malasakit ng ibang ahensya ng pamahalaan na maging ang mga larawan ng mga bayani’y sa perang panustos ay pinalitan ng kung anu-ano.
Tunay na masasabi na marami sa mahuhusay na kabataang Pinoy higit ang mga may potensyal sa anumang laranga’y galing sa pribadong paaralan. Nabibigyan ng oras at suporta ng paaralan upang mapaunlad ang kagalingan sa larangang ibig. Sa kabilang banda, kung nais ni Inday Sapak ng magandang programa, silipin ang programa ng Pamantasan ng Pilipinas, higit ang sa UP Los Banos na nagbibigay ng “learning bridges” sa pagsusulat at sa matematika sa summer classes ang mga bago o’ papasok na mga estudyante mula sa pampublikong paaralan ng makasabay sa regular na klase sa Pamantasan. Higit sa mga mag-aaral na nakapasa sa UP Admission Test o UPCAT. Ito ang tutukan Inday Sapak o mas mainam na palitan sa kagawaran.
Ang pagtutok sa katangian ng kabataan sa kasalukuyan at lapatan ng tamang programa ang dapat gawin ng DepEd. At hindi ang maikling kaisipan na nais ni Inday Sapak. Ang pagwawalang bahala sa hanay ng DepEd na mapataas ang kalidad ng edukasyon sa bansa ang tila ibig ng mapanatili ni Inday Sapak. Sa sitwasyong ibig, mapapanatili ang kamangmangan at mabulag sa pagtalima kahit sa maling kautusan. Ang bagsak na kaalaman ng kabataan sa kasalukuyan ang iniiyakan ni Mang Juan. Tila ibig ng kalihim na nananatiling mangmang ang Kabataang Pilipino sa kinabukasan ng masiguro ang pwesto pinapangarap.
Sa inilabas na kautusan na baklasin ang mga learning materials sa mga silid aralan, asahan ang pagbulusok ng kaalaman ng maraming bata’t kabataang Pinoy. Huwag ng hintayin ang darating na IQ survey, palitan ang liderato sa DepEd ng umayos ang palakad sa kagawaran. Palitan ng may kakayanan sumabay sa tawag ng kaganapan, ng maipataas at makasabay ang Pinoy sa kalidad ng kaalaman sa Asya at isunod ang sa pandaigdigan. Tamang batayan sa pagpapalit ng liderato sa Kagawaran ang inilabas na utos sa pagbaklas sa mga “Learning Materials” at ang pag-amin ng kawalan ng kaalaman sa kagawaran. Huwag magpatumpik tumpik Boy Pektus, gawin ang nararapat sa kagalingan ng bayan. Unahin ang bayan at ‘di ang pagkakaibigan. Boy Pektus patunayan na lider ka ng bansa at una ang bayan. Alisin ang walang alam ng makaiwas ang kabataan.
Maraming Salamat po!!!