Advertisers
“Unahin ang kapakanan ng mga Pilipino sa grassroots level.”
Ito ang paalala ni Senador Christopher “Bong” Go sa mga potensyal na kandidato sa nalalapit na paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Sa panayam matapos tulungan ang mga mahihirap na residente at biktima ng sunog sa Navotas City, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng tiwala ng publiko sa mga opisyal ng gobyerno.
“Unang-una, public office is a public trust. So, kung kayo po ay iluluklok d’yan, ‘wag n’yo pong sayangin ang tiwala na ibinigay sa inyo ng taumbayan,” ayon kay Go.
“Kayo po ang gobyerno diyan sa barangay, kayo po ang mamamahala. Lahat ng problema, lahat ng hinaing, at lahat ng tulong mula sa local government, usually daraan d’yan sa barangay. Kayo po ang nakakakilala kung sino ang mahihirap, sino ang may problema diyan sa barangay,” idinin ng senador sa mga barangay captain, barangay kagawad, SK chairman, at SK kagawads.
Sinabi ni Go na ang mga opisyal aniya ng barangay ang unang nilalapitan ng mga residente sa tuwing may hihinging tulong o isasangguni sa mga alkalde maging sa national government.
“Magtulungan po tayo. And in fact, during the last two Congresses, ay sinuportahan po natin na ma-extend po ang inyong termino,” ibinahagi ni Go.
Si Sen. Go ay naging co-author at co-sponsor ng Senate bill na nagtutulak sa pagpapaliban ng December 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections. Binigyang-diin niya na ang mga opisyal sa barangay at SK level ay nangangailangan ng sapat na panahon upang maipatupad ang mga programang kanilang ginawa sa kani-kanilang nasasakupan.
“Ngayon, tuloy na po ang eleksyon. Ito po ‘yung, kumbaga, ay performance rating. Sa mga nakaupo, performance rating n’yo ito sa mga nagawa n’yo sa mga barangay. Ibigay po ang todo-todo n’yong pagseserbisyo. Tandaan natin: a public office is a public trust,” ayon sa mambabatas.
Kabilang sa mga ihahalal sa halalan ay ang Punong Barangay, pitong miyembro ng Sangguniang Barangay, at ang SK chairperson sa 41,948 barangay sa buong bansa.
Matatandaang inihain din ni Go ang Senate Bill No. 197 o ang Magna Carta para sa mga barangay bilang kanyang pagkilala sa kritikal na papel ng mga opisyal nito sa paghahatid ng mga serbisyo mula sa gobyerno.