Chinese nat’l na wanted sa theft, naharang ng BI
Advertisers
NAHARANG ng mga Immigration officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang isang lalaking Chinese na wanted sa korte dahil sa pagnanakaw.
Ibinahagi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang pagkakaharang kay Lyu Wulong, 32, noong August 20.
Si Lyu ay nagtangkang umalis ng bansa na sakay ng Xiamen air flight na patungong Quanzhou, China. Pero, kinansela ng mga immigration officers ang pag-alis ni Lyu.
Nang beripikahin, nalaman na si Lyu ay may Hold Departure Order at warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 108.
Agad na inaresto ng mga elemento ng BI si Lyu at dinala sa BI’s facility sa Bicutan, Taguig habang naghihintay ng deportation nito.
Agad din nag-utos ng imbestigasyon si Tansingco kung paano nakalagpas sa primary inspection sa kabila ng pagkakaroon nito ng active derogatory record.
“I have ordered our Border Control and Intelligence Unit to check the CCTVs and records to see how he was processed,” sabi Tansingco.
Idinagdag pa ni Tansingco na kakasuhan ang sinumang mapapatunayang sangkot sa pag-ayos ng pag-alis ni Lyu. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)