Special election para sa kapalit ni Teves sa pagka-konggresista ng NegOr, hindi na maihahabol sa 2023 BSKE – COMELEC
Advertisers
HINDI na maihahabol pa ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsasagawa ng special election para sa third legislative district ng Negros Oriental, sa idaraos na 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, mahihirapan na silang maisabay pa sa BSKE, na idaraos na sa Oktubre 30, ang naturang special elections para palitan ang pinatalsik na si dating NegOr representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr..
Sinabi naman ni Garcia na maaaring ang pinakamaagang petsa upang maisagawa nila ang naturang special elections ay sa Disyembre 2023.
“Hindi na po aabot sa barangay at SK elections… Mahihirapan na po. After na po. Kung sakali, ang pinakamaaga, mga December ng taong ito namin magagawa ang special election sa Negros Oriental,” ayon sa isang panayam sa radyo, nitong Miyerkules.
Matatandaang kamakailan lamang ay pinatalsik na ng Kamara de Representantes si Teves sa puwesto dahil sa disorderly conduct at patuloy na pag-absent sa kabila ng expired travel authority.
Inaprubahan rin ng mga mambabatas ang isang resolusyon na nananawagan sa Comelec upang magdaos ng special election sa Negros Oriental upang palitan ang pinatalsik na mambabatas.
Sinabi naman ni Garcia na hindi pa nila natatanggap ang naturang resolusyon.
Matatandaang si Teves ay isinasangkot sa pagpatay kay Negros Oriental governor Roel Degamo sa loob mismo ng tahanan nito noong Marso 4.
Itinanggi naman ni Teves ang naturang akusasyon. (ANDI GARCIA)