Advertisers
MASYADO nang mainit ang hidwaan ng mga traditional politicians na Cayetano ng Taguig City at Binay ng Makati City.
Matapos katigan ng Korte Suprema ang Taguig City sa pinag-aagawang sampung barangays na tinatawag na Enlisted Men’s Barrio (EMBO) laban sa Makati City, pinag-iisipan ngayon ni Mayor Abby Binay na tumalon sa Taguig City para kalabanin ang Cayetano sa 2025 midterm election. Araguy!!!
Ang 10 barangays na pinaganda at matagal na pinamahalaan ng Makati government bago napunta kamakailan sa Taguig City ay ang mga sumusunod: Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Northside at Southside,
Masamang masama ang loob ng Binays sa pagkawala sa kanila ng EMBO barangays dahil malaki ang mababawas sa kanilang koleksyon sa buwis. At malaki rin naman kasi ang naging hirap nila sa pag-develop sa naturang barangays na dati’y halos ayaw pakialaman ng Taguig government.
Pero nang magsulputan ang malalaking gusali at negosyo sa EMBO, dito na nagsimula ang agawan sa lugar. You know!!! Pati ang Pateros ay naghahanda naring lumapit sa korte dahil may mga bahagi rin daw sila ng lupa na kinamkam ng Makati at Taguig. Araguy!!!
Balikan natin ang umano’y plano ng Binay na tumalon sa Taguig City sa midterm election. Oo!!! Pinag-iisipan ngayon ni Mayor Binay na tumakbo ng alkalde sa Taguig City sa darating na halalan, kalabanin ang Cayetano.
Last term na kasi ngayon ni Abby sa Makati City, habang nasa 2nd term palang si Taguig City Mayor Lani Cayetano matapos magpahinga ng isang termino noong 2019.
Kaya kapag nagdesisyon si Abby na tumakbo sa Taguig City, magbabakbakan sila ni Lani.
Bago paman magbalitaktakan sa agawan sa EMBO sa korte ang Binay at Cayetano ay masama na ang loob ng Binay sa Cayetano. Bakit?
Kung naaalala ninyo, mga pare’t mare, nang tumakbong Presidente si dating Vice President Jejomar “Jojo” Binay noong 2016, isa sa mga dahilan ng kanyang pagkatalo, matapos manguna sa mga survey, ay ang pagwakwak sa kanyang imahe ni Senador Alan Cayetano, ang mister ni Mayora Lani.
Isa si Alan, kasama si noo’y Senador Antonio Trillanes, sa mga nag-expose sa “hidden wealth” ng mga Binay, kungsaan nakasuhan ng plunder ang mga magulang ni Mayor Abby pati ang kanyang bunsong kapatid na si “Junjun” na tuluyang na-ban sa public service.
Ang hinanakit na ito’y muling nagliyab sa naging desisyon ng Korte Suprema na ang EMBO barangays na pinaganda ng Binay ay mapunta sa Taguig City.
Anyway, kasalanan din naman ito ng Binay kasi sila ang nag-akyat sa korte sa usapin sa agawan ng teritoryo. Yun pala, base sa mga ebidensiya, ay sa Taguig City talaga ang EMBO barangays.
Kaya para makabawi ang Binay sa mga Cayetano, kakalabanin na nila ito sa local politics sa 2025, sa pamamagitan ng pagtakbong alkalde sa mismong balwarte ng Cayetano.
Ang tanong: Makaya kayang itumba ng Binay ang nakaugat nang Cayetano sa Taguig City? Bakit hindi? Eh pera pera lang naman ang labanan sa eleksyon. At kapwa mga bilyonaryo ang mga pamilyang ito ng politiko.
Teka, paano kung maisipan din ng Cayetano na tumakbo sa Makati City?
Matinding bakbakan ito sa 2025. Binay vs Cayetano sa Taguig City or sa Makati City.
Abangan!