Advertisers
SIMULA na ngayong Lunes, Agosto 28, ang election period at gun ban para sa October 30, 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Kaugnay nito, tiniyak ng pamunuan ng Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo na handang-handa na sila sa pagpapatupad ng election period at gun ban, na magsisimulang umiral pagsapit ng alas-12:00 ng hatinggabi.
“Handang-handa na po ang Comelec. In fact, mapapansin n’yo po ‘yan, mamayang gabi po ay unti-unti nang magse-set up yung ating Philippine National Police ng ating mga checkpoint,” ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, sa isang panayam sa radyo nitong Linggo.
Ayon pa dito: “By 12 midnight, ito po’y hudyat na nagsimula na ang election period pati na rin po ang gun ban para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections.”
Samantala, sinabi rin ni Laudiangco na nakatakda na rin tumanggap ang Comelec ng certificates of candidacy (COCs) ng mga kandidato mula Agosto 28 hanggang Setyembre 2, mula Lunes habang Sabado.
Sinabi niya na sa sandaling maihain ang COC ay otomatiko nang kandidato ang naghain nito at lahat ng mga pagbabawal para sa election period ay iiral na, gaya ng premature campaigning.
Itinakda naman ang campaign period o panahon ng kampanyahan sa Oktubre 19 – 28.
Sa panahong ito lamang maaaring mangampanya ang mga kandidato. (ANDI GARCIA)