Advertisers
TIMBOG sa entrapment operation ang 70-anyos na lalaki na nagpanggap na mataas na opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) nang mangolekta ng kabuuang P40,000 mula sa isang security guard kapalit ng kunwaring paglinis nito ng kanyang rekord sa Parañaque City.
Sinabi ng biktima sa kanyang complaint affidavit na modus ni Wilfredo Turingan Reyes, residente ng Parañaque City, na magpakilalang Deputy Director for Operations sa kanyang mga target na biktima habang umiikot na nakasuot ng NBI marked jacket.
“The impostor has been telling us he has men under his command and lead various operations in areas in Luzon as part of his job as Deputy Director. He was seen going around wearing a jacket with NBI letters printed on it,” paglalahad sa reklamo.
Nagwakas ang pambubudol nito nang damputin siya ng mga ahente ng NBI- Anti-Organized and Transnational Crimes (NBI-AOCTD) Huwebes ng gabi habang aktong kinokolekta ang P10,000 mula sa kanyang biktima. Nakuha rin sa kanyang pag-aari ang isang baril.
Nag-ugat ang operation sa reklamong inihain ng isang BGC security guard na nagsabing si Reyes ay nagpakilalang opisyal ng NBI.
Sinabi ng complainant na nakilala niya si Reyes sa kanyang trabaho bilang security guard sa isang gusali sa BGC kungsaan tinulungan niya ang `VIP’ sa pagparada ng kanyang sasakyan.
Sinabi ng complainant na magiliw si Reyes sa mga sikyu at sa pag-aakalang isa itong mataas na opisyal sa NBI, nagpatulong ito na makakuha ng NBI Clearance para sa pag-renew niya ng lisensya.
Pinalitaw naman ng pekeng opisyal sa sikyu na nasa NBI watch list ito at inalok siyang tulungang burahin ang kanyang rekord kapalit ng P50,000.
Nabuking lang ng biktima na impostor si Reyes nang personal itong mag-apply para sa clearance at makuha ang sertipiko ng walang anumang record.
Kinompronta nito si Reyes, tungkol sa kanyang mga nalaman ngunit nagpalusot pa ang huli na siya at ang mga tauhan niya ang nag-facilitate kaya nabura ang negatibo niyang rekord at humirit ng dagdag-bayad na P10K.
“Instead of being scared that his ploy has been uncovered, he asked for additional P10,000 from the complainant as final installment of removal of negative results,” ayon pa sa report ng NBI.