Advertisers

Advertisers

Ex-cop sa road rage incident sinampahan ng alarm and scandal raps; di na makakapagmay-ari pa ng baril

0 173

Advertisers

INIHAYAG ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Martes na sasampahan nito ng ‘alarm and scandal’ si Wilfredo Gonzales, dating pulis na nahuli sa isang viral video na nanampal at nanutok ng baril sa isang siklista.

Sinabi ni QCPD Director, General Nicolas Torre III, na nagtungo na ang mga tauhan ng Police Station 11 (Galas) sa City Hall of Justice para maghain ng kaso. At ang mga pulis ang nagsilbing complainants.

“Ang ating basehan ay ang video na lumabas noong Sunday, Aug. 27, at ang baril na iniwan niya noong siya ay nadala sa istasyon para sa altercation together with the biker noong Aug. 8,” pahayag ni Torre sa isang panayam.



“Sa ngayon, nag-file muna kami ng kaso at hinihintay namin ang magiging guidance ng mga piskal paano natin mapalakas ang kaso na isinampa natin,” patuloy niya.

Kahit na nagkaroon na ng kasunduan sa pagitan ng dalawang panig, sinabi niya na hindi saklaw nito ang alarm and scandal.

“Kung sila ay nagka-amicable settlement man, nasa kanilang dalawa ‘yun sa krimen na maaaring nag-transpire in between them. Hindi covered ‘yung alarm and scandal,” sabi ng local police chief.

“Kami ay humihingi ng tulong sa iba pa nating kababayan para mapalakas ito, na sana ‘yung ibang kababayan natin especially sana ‘yung siklista o nandoon ‘yung abogado… at ‘yung cycling community na humihingi ng hustisya sa insidente na ito ay makipagtulungan,” aniya pa.

Inilahad ni Torre na sinisilip din nila ang posibilidad ng paghahain ng grave threat at attempted homicide cases.



Makikita sa viral video sa social media sites na sinampal ni Gonzales at tinutukan ng baril ang isang siklista na nakagitgitan niya sa bike lane.

Nitong Lunes, sinabi ng PNP na sinibak sa pwesto ang dating pulis dahil sa parehong offense noong 2017.

Sinabi naman ni Gonzales na nakipag-ayos na siya sa siklista.

Subali’t, sinabi ng abogadong si Raymon Fortun, isang bicycling enthusiast, na pinilit lamang ang siklista na pumirma sa salaysay kungsaan nakasaad na kasalanan niya ang pagtatalo. Aniya pa, pinagbayad pa ng pulis ang siklista ng P500 dahil nagasgasan ang kanyang sasakyan.

Samantala, hindi na kailanman maaring makapagmay-ari ng baril si Gonzales.

Ayon kay PNP-PIO-Chief, BGen. Red Maranan, tuluyan nang kinansela ang License to Own and Possess Firearm o LTOPF, Firearm Registration at Permit To Carry Firearms Outside Residence ni Gonzales.

Nakasaad, ani Maranan, sa desisyon ng Civil Security Group na magiging perpetual na ang disqualification ng isang gun owner kapag na-revoke na ang kanyang LTOPF at permit to carry.

Nitong Lunes, kinumpiska ang 3 baril ni Gonzales maliban pa sa 1 baril na kanyang itinurn-over sa QCPD.