Advertisers
HIYANGg hiya si Dagul sa namamalas na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa dahil hindi magamit ang pagiging unano upang mapababa ang presyo ng mga ito. Sa mahal o taas ng bilihin sa mga palengke’t tindahan kahit si Kai Sotto’y nahiya dahil ibinangko bilihin sa bagal nitong bumaba sa kabilang bahagi ng basketball court. Sa pagkabangko ‘di naipakita ang husay higit sa pigil ng pagtaas ng puntos ng dayuhang kalaban nakaharap. Walang magawa ang sanay’y pambato kundi tingnan ang pataas ng kalamangan ng kalaban ng walang Gilas na koponan. Kahit naroon at nanonood ang pambatong tagahangang si Boy Pektus, wala magawa dahil dikta ng laro ang nagaganap. Maraming netizen ang nagmungkahi na sanay kumuha ng tip ang coach ng Gilas kay Boy Pektus upang mapababa ang kalamangan ngunit ‘di kasama ang magaling na handler na si Garsiya at ang Smartmagic na ala Dondon Ampalayok. Subalit may mga tumutol sa kadahilanang madalas itong magtravel at lalong lumaki ang kalamangan at ibinaon ang bayan sa taas puntos.
Sa sumunod na laro, nagpatuloy ang pagiging malas ng koponan at bansa ng muling tumikim ng pagkatalo higit sa mas mabilis na kalaban. Tumaas ang kalamangan este ang presyo ng gasolina, bigas, sibuyas at maging instant noodles. Hirap bantayan ang nasabing kalaban higit ng DTI na pumuti ang buhok ng kalihim sa galing ng katunggali. Ang masakit, kapos ang koponan dahil sa liit ng sahod at bagal palitan kaya’t ‘di nakahabol at tumanggap muli ng pagkabigo. O’ dahil kulang sa teamwork at napabayaan ang paglayo ng presyo sa kita ni Mang Juan. Hayun, umasa sa ayuda na walang saysay mula sa NBA player na panay ang error sa pamamahagi ng bola. Malakas ang koponan, ngunit alang pagkakataon na makamit ang panalo kung nagpapabaya sa pagbabantay sa kalaban. Sa ngayon, magdidildil sa hinanakit ang walang panalong mamimili na umasa sa pangako na bababa ang presyo ng bilihin lalo ang bigas. Nariyan ang jersey na 20 ngunit ‘naipit sa depensa ng negosyante at nagpalit ng numero na 50. At lumuha si Mang Juan dahil mabilis na magse-senior citizen ang halaga ng bigas, at tapatan siya.
Lumipas ang araw tila subalit pasan ni Mang Juan ang mataas na presyo ng bilihin na larawan ng tunay na pagkatalo. Ngunit hindi ang mga politiko na sumabay sa taas presyo sa paghingi ng mas mataas na CIF upang tiktikan ang mga kalaban. Walang balak ang mga ito na ibigay kay Mang Juan ang ligaya ng mababang presyo ng bilihin. Dahil ang nais ay ang maka puntos ng manatili sa first five ng koponang pederal, hehehe. Walang pag-aatubili na humingi ng CIF ang mga manlalaro ng pederal mukhang makapuntos sa buwis ng bayan. Ang kahusayan, nariyan ang utos playing coach na higpitan ang pagbabantay kay Mang Juan na lumalabas ng bansa. Ang utos, masinsinang bantayan ang paglabas ng mama higit sa mga Paliparan ng ‘di nalusutan ni Mang Juan manlalakbay. Siyempre gamit ang CIF, pahihirapan ang karaniwang manlalaro ng bayan. Ngunit hindi ang kakampi’t kaibigan.
Sa takbo ng sitwasyon, matatambakan si Mang Juan ng mahal na presyo ng bilihin at pahihirapan ang maka-alis sa bayan na kulang sa hanapbuhay. Habang sa kabilang banda, kampante ang opisyal ng pamahalaan sa paglabas pasok higit ang kasama sa opisyal-pasyal. Ang masakit, nasanay ang point guard sa pagdadala ng malaking koponan na dagdag sa travelling expenses na halos dalawang doble sa kasalukuyan. Isang patunay na tama ang ilang netizen na mahusay sa steal ang captain ball ngunit madalas itong magtravel. Ang masakit, ang hanap na pagbaba ng presyo ng bilihin ay mananatiling pangako. Walang ginawa si Boy Pektus bilang Kalihim ng Agrikultura na ibaba ang presyo ng pangunahing bilihing agrikultura. At tila tumaas ang presyo sa ngalan ng mga kaibigan nasa kartel. At sa puntong ito, masasabing dinagdagan ang pasanin ni Mang Juan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin. Tandaan may banta ng pagtaas ng presyo ng gasolina.
Sa mga manghuhula sa gilid ng Quiapo, lumabas sa tarot card ng mga ito, isang bobang kalihim ang umubos ng CIF na hindi umabot ng isang buwan. Walang magawa ang mga manghuhula kung hindi ang ipabatid sa madla ang gastos na ginawa ng bobang kalihim. Walang kibo ang kalihim at ‘di kailangang magpaliwanag sa gastos na ginawa. At ang apila na lang ng manghuhula’y alamin ang bangkong pinaglagakan ng salaping CIF at mahalal sa susunod na halalan ang bobang kalihim na galit sa sheriff korte. At sa pagkaubos ng CIF na tangan heto’t humihingi ng pagtaas ng pondong bangit na sumasabay sa taas ng presyo ng bilihin. Patay si Mang Juan ngunit ‘di ang bobang kalihim.
Sa usaping pondo ng bayan, umasa na nagtetengang kawali ang mga dumidinig at ‘di bubusisiin ang mga hinihingi ng nasa puno ng Balite ng Malacanan. Hindi sasayaw ng iba ang kongreso na ibalam ang hinihinging pagtaas ng pondo ng mga nasa ehekutibo higit ang dagdag na CIF na taguan ng kurakot sa kanan, kurakot sa kaliwa at sa gitna. At maririnig sa mga ito na handang humarap sa ano mang uri ng imbestigasyon o pagpapatalsik sa pwesto kung may sapat ebidensya at bilang.
Sa totoo lang, ilang araw na pumuntos si Boy Pektus sa usaping bayan, ngunit hindi kasama ang usapin ng presyo ng bilihin. At balak pang maging coach ng Gilas at ituturo kung paano magagawa ang mga nagawang steal. Ngunit sa kabilang banda, nagdalawang puso dahil sa pagkahilig sa travelling na pawang bayarin ni Mang Juan. Ang malungkot nito, naki jamming at ‘di nagpahuli kay Inday Sapak na dagdagan ang CIF upang mamasdan ang kalaban ng pamahalaan. Kasama ba ang grupo ni Onse? Ngunit sa kabilang banda, hirap si Mang Juan na pag-abutin ang magkabilang dulo ng sinturon sa mahal ng bilihin. At patuloy ang pagsama na maitaas ang sahod ng makasabay sa tumataas na presyo ng bilihin. Ang masakit lumalaki ng lumalaki ng lumalaki ang bayarin ni Mang Juan sa utang na walang pakinabang ang bayan. Sa huli, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at pagtaas ng CIF ang mistulang bombang magpapababa sa inyo sa pamahalaan.
Maraming Salamat po!!!