Advertisers
AMINADO ang Department of Justice na hirap silang mahuli ang wanted na si dating Bureau of Correction (BuCor) Director General Gerald Bantag at ang kanyang dating deputy na si Colonel Ricardo Zulueta.
Sabi ni Justice Secretary “Boying” Remulla, si Bantag ay miyembro ng PNPA Class 1996. Kaya marami itong kaibigang opisyal sa Philippine Nationa Police. Posible aniyang ilan sa mga naturang opisyal ang tumutulong kay Bantag para hindi ito maaresto.
Si Bantag ang itinuturong “utak” sa pagpatay sa hard-hitting radio commentator at tabloid columnist na si Percy Lapid last year.
Matindi kasi ang mga banat noon ni Lapid kay Bantag hinggil sa “hidden wealth” nito.
Nadamay naman si Zulueta dahil ito raw ang naghanap ng papaslang kay Lapid at sa “middleman” na si “Jun” Villamor na isang ring bilanggo sa National Bilibid Prison.
Pinaslang si Lapid ng sumukong “hired killer” na si Joel Escoliar.
Sumuko sa pulisya si Escoliar dahil nabahala ito nang lumabas sa publiko ang kuha ng CCTV nang paslangin nila si Lapid. Nabahala raw siya na baka “ikahon” siya ng mga komontak sa kanya. Nakakulong siya ngayon sa NBI. Ang NBI ay nasa ilalim ng DoJ.
Si Villamor naman ang komontak kay Escoliar.
Nang ikanta ni Escoliar si Villamor sa isang press conference, pinatay ang huli sa loob ng Bilibid.
At lumabas sa mga imbestigasyon na si Zulueta ang nag-utos sa mga gang leader na patayin si Villamor sa pamamagitan ng pagsuklob ng plastik sa ulo nito, base sa resulta ng pagsusuri ng duktor.
Simula nang mag-isyu ng arrest warrant ang korte laban kina Bantag at Zulueta, hanggang ngayon ay hindi pa sila nahuhuli ng mga awtoridad kahit na nag-anunsyo ng reward money na P3 million ang DoJ sa sinomang makapagtuturo o makahuhuli sa mag-amo.
Si Bantag ay isang Igorot at malawak daw ang pamilya nito sa Benguet, sabi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong. Posible raw na itinatago si Bantag ng kanyang mga kamag-anak. Puede!
Sa kabila ng pagtatago nina Bantag, ang kanilang abogado ay humihirit sa korte na ilipat sa hurisksyon ng Ombudsman ang kanilang kaso dahil masyado raw “bias” ang DoJ sa kanila.
Matatandaan na nagpalitan ng matitinding salita sina Remulla at Bantag nung iniimbestigahan palang ng DoJ si Bantag.
Giit ni Remulla, harapin ni Bantag ang kaso sa korte kung talagang wala itong kasalanan sa paglikida kay Percy Lapid.
Sino o saan nga ba nagtatago sina Bantag at Zulueta? Baka alam ninyo, mga pare’t mare? May P3 million kayo ‘pag naituro n’yo!
***
Nasa ika-apat na araw na ngayon ng filing ng Certificate of Candidacy para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE), at may mga kandidato nang pinatay matapos mag-file ng CoC.
Sa Albay lamang ay lima na ang pinatay, 2 reelectionist chairman at 3 kagawad.
Samantalang sa Mindanao ay ilang kandidato na ang pinaslang!
Talagang madugo ang barangay election dahil magkakapitbahay lang ang mga kandidato. Batid ng isa’t isa ang kakayahan. Madalas itong nagkakainitan sa inuman at dito na nagsisimula ang gulo.
Kaya maging maingat sa mga kuwentuhan sa inuman, mga pare’t mare, iwasan ang kantiyawan. Okey?