Advertisers

Advertisers

OTS CHIEF, NAPIKON; AIRPORT MEDIA MEMBER, PINATANGGAL SA VIBER GROUP

0 192

Advertisers

Hindi nagustuhan ng mga miyembro ng Airport Press Club (APC) ang pagpapatanggal sa Viber Group ng APC at OTS (Office for Transportation Security) sa kasamahang si Froilan Morallos.

Ang nag-utos na tanggalin siya ay mismong si OTS chief Ma.O. Aplasca at mabilis pa sa alas-kuwatrong sinunod ito ng kanyang spokesperson na si Kim Alyssa Marquez.

Napapag-usapan sa Viber group ang mahabang pila na nagaganap sa NAIA terminals nitong mga nakalipas na araw, mula nang ibalik ang ‘shoe removal policy.’ Nagsalita si Ka Froilan na ‘hindi maaalis ang mahabang pila ng mga pasahero sa airport dahil sa pagaka-inutil ng mga tauhan ng immigration at OTS.’ Maliwanag na hindi ito personal dahil hindi naman siningle-out ang OTS.



Biglang tumugon si Aplasca at sabi, “Kim pakialis nga dito sa group natin ito Bastos na tao. Not deserving to be part of these professional media” na sinagot naman ni Marquez ng “Yes po Sir” sabay alis na kay Ka Froilan.

Andun na tayo. Hindi kagandahan ang lengguwaheng ginamit ni Ka Froi. Pero hindi tama na biglang ipatanggal sa Viber group si Ka Froi at sabihang ‘bastos’. Sana man lang, sinabihan si Ka Froi na ‘wag naman ganun o kaya ay nagbigay siya ng pahayag para kumbinsihin si Ka Froi na mali ang kanyang iniisip, kung ‘yun ang pakiramdam ni Aplasca.

Maari din namang nag-private message sana siya kay Ka Froi or sa presidente ng APC na si Ariel Fernandez para dun magsabi ng reklamo niya kay Ka Froi bilang kertesiya dahil miyembro ng APC si Ka Froi na kaya kasama sa Viber group ay dahil sa isinama siya ni Pangulong Ariel.

Sa ginawa ni Aplasca, binastos din niya hindi lamang si Ka Froi kundi maging ang mga miyembro ng APC na nakabasa ng mga pinagsasabi niya. Para na din niyang ipinararating sa pagmumukha ng mga APC members na walang pupuwedeng magpahayag ng kritisismo sa OTS.

Eto namang kanyang tagapagsalitang si Kim, imbes na kumbinsihin ang kanyang amo na huminahon at ‘wag mapikon sa kritisismo ng media, sumunod na lang basta. Maaring sabihin na wala siyang magagawa dahil napag-utusan siya pero kung tunay kang may malasakit sa boss, dapat ay pinagpapaliwanagan din siya at inaakay na di dapat mapikon sa media.



Una, walang miyembro ng APC na nagmakaawa para mailagay sa Viber group ng OTS. Puro ‘praise release’ naman ang ipinadadala sa Viber group na pawang ginagawa ng APC members mula nang maupo si Aplasca at kabilang na din si Ka Froi sa mga nagawa ng mga nasabing ‘praise release’ nang walang hininging kapalit kahit kelan.

Ipagpalagay na nating nagkamali ng gamit ng lengguwahe si Ka Froi, ibig palang sabihin, sa sampung magandang ginawa niya para sa OTS, isang negatibong komento lang, nakalimutan na lahat ng papuring nauna???

Eh ‘yung mga negatibong istorya tungkol sa mga kalokohan ng ilang miyembro ng OTS na nagdulot nang malaking kahihiyan sa bansa na hindi iniulat ni Ka Froi bilang pakikisama sa OTS, wala na ring bilang?

Ang sinumang balat-sibuyas ay di dapat na napasok sa serbisyo publiko. At hindi lahat ng pumupuna sa mga ginagawa o hindi ginagawa ng mga opisyal ng gobyerno ay ‘bastos.’

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.