Advertisers
Zamboanga City – Binigyang karangalan ni Walter Sam Jr ng Iligan City ang kanyang sundalong ama habang sinimulan ni Mary Fe Bagawisan ng Jose Rizal Memorial State University – Dipolog maabot ang kanyang pangarap sa pagwawagi sa mga gintong medalya sa arnis eent sa ginaganap dito na Philippine Reserve Officers Training Corps Games.
Tulad sa kasabihang “Like Father, Like Son,” inialay ng 20-anyos na si Sam, na 2nd year Physical Education sa Iligan Institute of Technology, ang napanalunan na gintong medalya sa kanyang ama na miyembro ng Philippine Army sa pagwawagi nito sa Anyo Solo Baston Single Weapon Non-Combat competition sa loob ng Western Mindanao State University (WMSU).
“Masayang-masaya po ako napanalunan ko una kong ginto dito sa ROTC Games,” sabi ni Sam Jr, na nakalahok na sa internasyonal na torneo ng World Eskrima Kali Arnis Federation kung saan nakapilak ito sa sparring pati sa single weapon sa form competition sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Itinala ni Sam Jr. ang kabuuang 8.833 iskor para masungkit ang ginto. Nakatakda pa din ito sumabak sa combat o sparring competition sa Lightweight category para sa asam na ikalawang ginto. .
Hindi naman nagpaiwan ang 20-anyos na si Bagawisan na 2nd year sa Criminology course sa Jose Rizal Memorial State College at nagnanais na maging Policewoman Investigator sa pagbibigay sa Army ng gintong medalya sa women’s Non-Traditional Competition o Anyo single weapon event.
Itinala din ni Bagawisan ang kabuuang 8.833 iskor upang talunin ang walong iba pang kalahok mula sa Army at una din nitong gintong medalya sa isang national event.
“Gusto ko din po maging national athlete,”sabi ni Bagawisan, na nagsimula lamang mag-aral ng arnis sa Grade 8.
Asam din ni Bagawisan maiuwi ang ikalawang ginto sa pagsabak nito sa combat o sparring category ng torneo na pinamamahalaan mismo ni Philippine Eskrima Kali Arnis Federation (PEKAF) Secretary General Gerard Canete.
Samantala’y magpapatuloy ang kampeonato Miyerkules ng gabi sa sports na arnis, boxing at kickboxing habang magsisimula na din ang 3×3 basketball, esports, at volleyball. Una na natapos ang athletics.