Advertisers
SINUSPINDE ni Quezon City Police District director Brigadier General Redrico Maranan ang anim na pulis na sangkot sa road rage noong Agosto 8 na kinasasangkutan ng isang dating pulis at isang siklista malapit sa kanto ng Welcome Rotonda at Quezon Avenue sa Barangay Don Manuel.
Inilabas kaagad ni Maranan ang kanyang kautusan matapos siyang pormal na pumalit bilang hepe ng pulisya ng lungsod nitong Lunes, Setyembre 4.
“Ang anim na pulis, na tatlong tauhan mula sa Galas Police Station (PS 11) at tatlong operatiba mula sa District Traffic Enforcement Unit (DTEU), inalis sa kanilang mga puwesto upang bigyang-daan ang isang patas at walang kinikilingan na imbestigasyon na isinasagawa at upang matukoy ang posibleng lapses sa paghawak ng imbestigasyon,” ani Maranan.
Nag-viral sa social media ang video ng insidente na nagpapakitang hinampas ng dating pulis na si Wilfredo Gonzales ang siklistang si Allan Bandiola at bumunot at kumasa ng baril, na umani ng mga batikos mula sa netizens.
Nabatid na dinala muna sa tanggapan ng QCPD Kamuning Traffic Sector 4 sina Bandiola at Gonzales bago inilipat sa Galas Police Station.
Nauna nang sinabi ni Gonzales na nagkasundo sila ng siklista na ayusin ang kanilang alitan.
Gayunpaman, ibinahagi ng abogadong si Raymond Fortun ang ilang screenshot ng mga text message at nakasulat na pahayag sa siklista sa Facebook, na sinabing ang biker ay hiniling na magbayad ng P500 para sa pinsala sa kotse ni Gonzales at nakatanggap din ng mga pagbabanta mula sa pulisya.
Sinabi ng QCPD na ang mga na-relieve na pulis ay agad inilipat sa District Personnel Holding and Accounting Section (DPHAS) simula Setyembre 4, 2023, habang hinihintay ang imbestigasyon.
Nangako si Maranan na pananatilihin ang isang ligtas at mapayapang komunidad sa Quezon City.
Itinalaga si Maranan bilang acting QCPD Director, kapalit ni Brig. Gen. Nicolas D. Torre III na nagbitiw sa puwesto upang bigyang daan ang imbestigasyon sa insidente ng road rage.