Advertisers
TARGET ng pamahalaan na mula sa 18% ay magkaroon ng single-digit na pagbaba ng kahirapan sa bansa.
Ito ang sinabi sa Laging Handa public briefing ni Ruperto “Ka Uper” Aleroza, Vice Chairperson for Basic Sector ng National Anti-Poverty Commission (NAPC), bilang bahagi ng pagpapatupad ng Republic Act 11291 o Magna Carta of the Poor na naka-angkla sa National Poverty Reduction Plan.
Ayon kay Aleroza, tuloy-tuloy ang mga ginagawa nilang sectoral assembly na layong pagbuklurin ang mga lokal na organisasyon bunsod na rin ng nalalapit na National Sectoral Assembly ng labing-apat na basic sectors sa Disyembre 1 hanggang 3 ngayong taon.
Ipinunto ni Aleroza na inatasan sila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hanapin ang mga mahihirap o mas naiiwan sa mga kanayunan upang bigyan ng karampatang tulong sa kanilang mga pangangailangan.
Aniya, nais din si Pangulong Marcos na makipag-ugnayan sila sa mga lokal na pamahalaan upang makatuwang sa pagbibigay-solusyon sa problema sa kahirapan.
Sinabi ng opisyal na nakabuo na rin sila ng regional basic sector coordination council habang patuloy namang inoorganisa ang mga basic sector para magkaroon ng local basic sector coordinating council mula sa probinsiya hanggang sa barangay upang maging bahagi sila ng mga pag-uusap at paghahanap ng solusyon sa kahirapan.
Ipinanawagan naman ni Aleroza sa lahat ng sektor na usapin ng kahirapan ay dapat kasama sila sa pag-uusap o diskusyon hanggang sa pagpapasya at implementasyon ng nabubuong solusyon. (Gilbert Perdez)