Advertisers
MABUTI naman at sinupalpal ng mga kongresista ang hirit ni Ombudsman Samuel Martires na ‘di pagsapubliko sa initial audit observation memorandum ng Commission on Audit (CoA).
Hindi pumayag ang panel ni Marikina Representative Stella Luz Quimbo, senior vice chair ng House appropriations committee, na itago sa media ang initial audit observation ng CoA sa bawat government agency para maiwasan daw ang pagkalito.
Punto ni Martires, masyadong mabilis maghusga ang mga tao kapag naisapubliko ang initial audit report ng CoA, gayong kapag hinimay ay nahuli lamang daw ang agency sa pagsumite ng mga dokumento na hinihingi ng state auditors. Ito raw ang dahilan kaya nadidismis nila ang kaso na isinasampa sa kanila.
Pero hindi nakumbinsi ni Martires ang matatalas na mga kongresista, na naniniwalang ang mali ay nasa agency, hindi sa CoA. Mismo!
Batid ng bawat govt. agency na taon-taon ay nagsasagawa ng audit ang CoA sa mga pondong ibinigay sa kanila. Kaya dapat sa bawat sintemo na ginagastos nila ay mayroong resibo dahil ito ang ginagawang basehan ng state auditors sa paghimay kungsaan ginamit ang taxpayers money na ipinagkatiwala sa bawat ahensiya ng pamahalaan.
Kung ang ibang ahensiya ay nasa tama, maayos ang pagkagastos sa kanilang pondo tulad ng nakalipas na Vice President Leni Robredo, bakit ang maraming ahensiya ay nakikitaan ng maraming kalokohan.
Oo! Kapag malinis ang paggamit sa pondo ng isang ahensiya, hindi magkakaproblema sa state auditors. Dahil ang bawat pondong ipinagkaloob sa bawat ahensiya ay nakaprograma na kungsaan ito gagastusin, at ang bawat sintemong lalabas ay kailangan ng resibo. Kapag walang resibo, ginamit sa ibang programa ang pondo na hindi para rito, red flag ito sa CoA. At ito’y mame-media para malaman ng publiko. Dahil karapatan ng bawat taxpayer kung tama ang paggamit sa perang pinag-ambag-ambagan nito para sa mga programa ng gobyerno.
Kung hindi kaagad maisasapubliko ang maling paggamit ng pondo ng isang govt. agency, mababaon nalang ito sa limot. You know!!!
Kumikilos lang naman kasi ang ating mga mambabatas, Ombudsman, state investigators/prosecutors kapag nag-ingay ang taxpayers sa ibinunyag ng CoA ang maling paggamit sa pondo ng isang ahensiya. Mismo!
Hindi lang ito ang hirit ni Martires na tila pabor sa mga tiwali.
May ginawa rin itong hakbang na ipagkait sa media ang SALN ng government officials. Nire-require ang mga requirement na imposibleng payagan ng isang govt. official na subject sa pag-iimbestiga dahil sa isyu ng korapsyon.
Dapat ipa-impeach na ni President Bongbong Marcos itong si Martires. Wala na sa ayos eh!
Sa tingin ko kasi itong si Martires ay inilagay sa Office of the Ombudsman ni ex-President Rody Duterte para proteksiyunan ang mga mandarambong na opisyal na inilagay ng nakaraang administrasyon.
Oo! Halos lahat ng govt. agency sa nakaraang Duterte administration ay nasilipan ng katiwalian ng CoA. Igo-google n’yo mula sa DepEd, DoT, DoTr, LTO, DoH, PhilHealth, PS-DBM, SSS, NIA, PAGCOR, DPWH, etc… Kaya ang Pilipinas ay nabaon sa P13 trilyong pagkakautang, mula sa P5 trillion lamang na iniwan ni late PNoy.
Kung hindi lang siguro si Bongbong Marcos, Jr. ang presidente ngayon malamang nakakulong nang lahat ang mga naging opisyal ni Digong, Peks man!