Advertisers
MARAMING kaganapan sa bansa na sangkot ang kapulisan o dating pulis gamit ang tsapa’t baril sa pananakot ng karaniwang mamamayan na nakakabanga sa kakalsadahan o kung saan man. Hindi magawang magpakumbaba sa sitwasyon kahit kadalasan na ito ang may sala. Walang patumangga kung gamitin ang nakabukol sa tagiliran upang diinan ang sino man o saan man ang nakaalitan kahit mali dahil sa bitbit na bakal sa tagiliran. At sa pagtatalo, hindi padadaig sa argumento at ipipilit na siya ang laging tama sa kadahilanang ito ang taga pagpaganap ng batas. Ang masakit, hindi batid sa una kung pulis o hindi ang salarin sa kawalan ng pagkakakilanlan dahil nakasuot ng sibilyan. At kapagdaka mababatid kung tuwiran ang pagpapakilala bilang alagad ng batas.
Silipin ang ilang kaganapan, makikita sa isang footage ang alitan ng isang pulis Maynila at isang kagawad trapiko sa isang bayan sa kaMaynilaan. Kahit pansin ang kamalian ng nagpakilalang pulis, hindi ito pumayag sa paninita ng kagawad ng trapiko sa halip inundayan ng suntok at binabaligtad ang pangyayari. Ang masakit ibig sampahan ng kaso ang sumitang kagawad ng trapiko. Salamat sa hepe ng pulis ng siyudad na pinangyarihan ng insidente at dumating sa takdang oras. Sa pag-uusisa sa naganap na alitan ng naka sibilyang pulis at kagawad ng trapiko, na itama ang sana’y mali na ‘di nagawa ng unang mga rumespondeng kapulisan.
Hindi pa nagtatagal ang kaganapan sa itaas, nasundan ng isa pang alitan sa kabilang bahagi ng kaMaynilaan, hayun sangkot muli ang isang pulis at isang kagawad kuno ng intelligence sa kasundaluhan. Ang masakit tila nagpatigasan ng tindig na nauwi sa agawan ng bakal. Kita na kinukubabawan ng isang lalaki ang kapwa lalaki na humugot ng baril at doon nakilala bilang kagawad ng pulis sa lugar. Habang ang isang lalaki’y napag-alamang kagawad kuno ng IS ng military. Sa pangyayari, masasabing wala sa katauhan ng kagawad ng kapulisan ang magpaka babang loob sa anumang pagkakataon. Walang pag-aatubili na gumamit ng baril at tsapa sa halip na magpaubaya’t humayo ng walang nangyari. Dahil pulis kailangang sundin maging tama o mali sa anumang pagkakataon.
At sa ibang pangyayari, isang road rage na kinapapalooban ng isang dating pulis at isang siklista na umabot ang usapin sa bahay ng mga mambabatas. Masisilip na kahit wala na sa serbisyo hindi nawala ang pagiging mapagmataas at arogante, dahil sa bakal na tangan. Hindi tumanggap ng anumang paliwanag sa halip pinagdidiinan ang pagiging tama sa pangyayari. Ang masaklap, salamat at may CCTV o camera na nakakuha sa pangyayari na nagligtas sa siklista. Hindi nakitaan ng kababaang loob ang dating mamang pulis kahit batid ang pagkakamali sa inilabas na video. At ang siste nito, pinagbayad ang siklista sa pagkaka yupi kuno ng sasakyan, na lumalabas na may sala ang siklista. Sa kamalasan ng dating mamang pulis, nailabas sa social media ang video at nakakuha ng atensyon ng publiko at ng mga mambabatas. Ngunit ‘di pa tapos ang usapin at nabatid ang pananakot ng mamang dating pulis sa siklista’t nakakuha sa pangyayari.
Panghuli, may kaganapan sa Munisipyo ng Looc, sa lalawigan ng Romblon kung saan magdudulog ang kamag-anak ng nabanga’t nasawi. Nagtungo ang kamag-anak ng biktima sa istasyon ng kapulisan, sa kasawiang palad alang tao o pulis sa istasyon. Walang malapitan at masabihan ang kamag-anak ng nasawi na tila pinagtakpan ng pagkakataon at umuwi ng luhaan at kawalang katarungan. Masakit ang loob ng mga kamag-anak dahil hindi na makakamit ang hustisya sa kawalan ng tauhan ng kapulisan na dapat lapitan. Hindi nagalaw ang pangyayari na nagresulta sa kawalan ng hustisya.
Sa usapin sa itaas, walang magawa ang karaniwang tao na magkaroon ng hustisya kahit sa maliit na paraan. Ang pagkakaroon ng camera o CCTV na nakukuha ang mga pangyayari sa kakalsadahan ang siyang pananggalang ng karaniwang tao. Hindi makuha ang pantay na pagdinig higit kung nakatungali’y may impluwensya. Sa maraming pagkakataon hindi makakuha ng patas na pagdinig kung ang nakatalo’y kagawad ng pulis o dating pulis o may yaman na pamasak sa kamalian. Sino ang dapat lapitan kung pulis ang kalaban?
Tanong, kailangan bang paabutin sa sala ng mga mambabatas ang usapin kung pulis o dating pulis ang sangkot? Di ba’t nariyan ang National Police Commission na siyang sangay sa ilalim ng DILG na inatasan sa ilalim ng RA 8551 na mangasiwa sa kapulisan. Sa ilalim ng batas nariyan ang mandato ng NAPOLCOM na “exercise administrative and operational control” sa kapulisan.
Sa pagkakaroon ng “administrative control” sa kapulisan tila hindi nagagawa ng NAPOLCOM ang mandato higit sa pagdidisiplina sa kapulisan. Sa kilos ng mga kapulisan sa kasalukuyan, tila hindi iniinda ang kilos kontra sa mga karaniwang tao na nakararanas ng pang-aapi sa ‘di batid na kadahilanan. Sa ‘di pagkilos ng komisyon higit sa gawang kamalian ng kapulisan, tila nagiging palasak sa gawang mali. Ang kaliwa’t kanang pagsuway sa mga panuntunan ng batas para sa kapulisan ay dumadaan sa mata ng komisyon na walang kilos. O’ sadyang nagbubulag-bulagan ang komisyon higit ang mga opisyal nito. O’ baka malaking parating ang mga kagawad ng kapulisan at hindi pinapansin ng mga komisyoner.
Ayon sa impormasyon, hindi kumikilos ang komisyon higit sa pagkakaroon ng inspection at spot check upang mabatid ang galaw ng kapulisan. Sa totoo lang, nauna ng nag surprised-inspection ang hepe ng NCRPO sa mga istasyon ng kapulisan sa kaMaynilaan na dapat na ginagawa ng komisyon. Chairman / Kalihim pakilusin ang NAPOLCOM at magkaroon ng inspection sa mga kapulisan sa buong kapuluan. Huwag puro parating ang unahin at baka tumaba ng husto’t tamarin at ‘di respetuhin ng kapulisan. Ang naganap sa isang lalawigan na bangit sa taas na ‘di makita ang kapulisan sa presinto ang magandang dahilan upang pababain ang mga inspector ng NAPOLCOM. Gawin ang mandato ng batas. Sa pagbaba, malalaman ang dahilan ng kawalan at mapupunan ang kahinaan na magpapaganda sa larawan ng kapulisan.
Karagdagan, tila nagkakaroon ng sistemang bata-bata sa punong himpilan ng NAPOLCOM na nagpapababa sa moralidad ng mga tauhan ng ahensya. Ang ‘di pagkilos sa mga tangang pwesto ng mga kawani ng komisyon higit ang malayo sa mata ng mga bossing at pagtatalaga sa mga bata ng nagngangalang Bernie ang dapat silipin Chairman. Sa huli, ipatupad ang mandatong nakaatang sa balikat ng komisyon ng magkaroon ng “check and balance” ang kapulisan. Ang kawalan ng tumitingin sa regla ng kapulisan ang palasak na pagkakamali ng komisyon. Sa pagkakamali higit na nagiging mapusok ang kapulisan higit sa pananakot sa karaniwang tao. Gisingin ang kamalayan ng bayan higit sa pagmamalabis ng kapulisan, kumilos NAPOLCOM ayon sa mandato.
Maraming Salamat po!!!