Advertisers
INIREKOMENDA ng Bureau of Customs (BOC) na i-donate sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nasamsam na 42,000 sako ng bigas sa Port of Zamboanga City.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), isinumite ng tanggapan ni Port of Zamboanga Chief Benny Lontok ang hirit sa BOC Central Office sa Maynila.
Sa ngayon, sinasabing naghihintay pa sila ng approval mula kina Customs Commissioner Bienvenido Rubio at Department of Finance Sec. Benjamin diokno.
Maliban sa mga programa ng DSWD, pinag-aaralan din kung maaaring i-donate ang bigas sa Kadiwa stores.
Magugunitang kinumpiska ng BOC ang 42 million pesos na halaga ng hinihinalang smuggled na bigas, bilang bahagi ng mas pinalakas na kampanya laban sa smuggling at hoarding, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (Gilbert Perdez)