Mla. City Hall bldg, idineklarang ‘Important Cultural Property’ – Mayora Honey
Advertisers
SA wakas, ang gusali ng Manila City Hall ay idineklara na bilang “Important Cultural Property”.
Si Manila Mayor Honey Lacuna ay labis na nagpahayag ng pasasalamat sa National Museum sa pagkakaloob ng marker na nagdedeklara sa gusali ng Manila City bilang “Important Cultural Property”, ito ay pagpapakita ng mga Filipino ng kanilang pagtanggap sa kultural at makasaysayang halaga ng tanyag na gusali.
“This will further strengthen the efforts of our local government to strive for progress and development, yet we have that capability to preserve and protect our character as a city rich in heritage and teeming with historical and cultural value.,” dagdag pa nito.
Sinabi ni Lacuna na ang kanyang administration ay patuloy na makikipag- partner sa National Museum, National Commission for Culture and the Arts, National Historical Commission of the Philippines kabilang na ang Department of Tourism sa hangarin nitong mai-promote, mapreserba at maproteksyunan ang pamanang ito ng Maynila at ng bansa kung saan ang patriotismo at pagmamahal sa bansa at itinatatag sa pundasyon ng pagmamalaki sa nakaraan.
“Naniniwala tayo na sa pagsisikap nating gawing isang Maringal na Lungsod ang Maynila, isang bahagi nito ang paglingon sa mahahalagang bahagi ng ating nakaraan. Kailangang magsilbing inspirasyon natin ang mga aral ng kasaysayan at sama-sama tayo kumilos at isulong ang pagpapataas ng antas ng ating pagiging lungsod,” saad nito.
“We will be a strong city, whose strength lies in the appreciation of lessons taught by our history,” dagdag pa ni Lacuna.
Naroon sa unveiling ng marker sina Director General Jeremy Barns ng National Museum; Executive Director Oscar Casaysay ng National Commission for Culture and the Arts; Dr. Emmanuel F. Calairo, Chairman ng the National Historical Commission of the Philippines, tourism chief Charlie Dungo , Vice Mayor Yul Servo Nieto at iba pa.
Ayon kay Lacuna, lubahang napapanahon ang paggagawad ng marker, dahil ito ay sumakto sa selebrasyon ng buwan ng turismo.
“Buong galak nating tinatanggap ang isang marker o pananda para sa ating gusaling pamahalaan ng Maynila bilang katangi-tangi at makabuluhang lugar na dapat bisitahin at pasyalan, di lamang ng mga turistang galing sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa, kundi maging ng mga turista mula sa iba’t -ibang panig ng mundo.”
Ang gusali ng City Hall ay natapos noong 1941 at ayon sa alkalde, ang pamosong gusali ay simbulo ng lakas at tatag ng Manileño at ito rin ay saksi sa mayamang kasaysayan ng lungsod.
“Magpahanggang ngayon, itong Manila City Hall ay nagsisilbing mahalagang imahe ng kapitolyo ng ating bansa,” sabi pa ng lady mayor. (ANDI GARCIA)